‘MAS NAINTINDIHAN NAMING MGA HAMPASLUPA’
Nagpaabot si Sen. Robin Padilla ng pasasalamat kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. dahil sa paggamit nito ng wikang Filipino sa ikalimang State of the Nation Address (SONA).
Sa isang Facebook post ni Sen. Robin noong Lunes, Hulyo 27, sinabi niyang mas maiintindihan umano ng mga hampaslupang gaya niya ang nais gawin ng Pangulo sa nalalabing termino nito sa pwesto.
Aniya, “Maraming salamat sa ating Pangulo at mas marami ang wikang Pilipino sa kanyang talumpati.”
“Mas naintindihan namin mga hampaslupa ang kanyang mga nais isagawa sa loob ng natitira niyang termino,” dugtong pa ng senador.
Matatandaang noong nakaraang taon ay wikang Filipino rin ang ginamit ni Pangulong Marcos, Jr. sa kaniyang ikaapat na SONA, bagay na ikinatuwa ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF).
“Labis po akong natutuwa na ang atin pong pangulong Marcos, Jr. ay gumamit ng wikang Filipino sa kaniyang talumpati bagama't may mga pagkakataong gumagamit siya ng wikang Ingles,” saad ni dating KWF chairman Arthur Casanova.
Matatandaang ang namayapang si Benigno “Noynoy” Aquino III ang kauna-unahang presidente na gumamit ng wikang Filipino sa lahat ng SONA nito mula 2010 hanggang 2015.
Maki-Balita: Wikang Filipino, mas magandang gamitin sa mga susunod pang SONA —KWF