July 28, 2026

Home BALITA Metro

SONA ni PBBM, ‘generally peaceful’–PNP

SONA ni PBBM, ‘generally peaceful’–PNP
Photo courtesy: MPD

Ibinahagi ng Philippine National Police (PNP) na “generally peaceful” ang naging ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong Lunes, Hulyo 27. 

MAKI-BALITA: Matutupad o maliligwak? Buod ng ikalimang SONA ni PBBM

Sa inilabas na ulat ng PNP, binanggit nilang sa kabila ng mga malawakang kilos-protesta ng ilang grupo kasabay ng SONA, natiyak ng kanilang ahensya ang kaligtasan ng mga ehekutibo, opisyal, at ng publiko. 

“From the implementation of security measures to the conclusion of the President's address, the PNP ensured the safety of the Chief Executive, government officials, delegates, and the public, while respecting the constitutional rights of individuals and groups to peacefully assemble and express their views,” ulat ng PNP. 

Ang mga nasabing malawakang kilos-protesta na dinaluhan ng higit 6,000 raliyista ay  magkahiwalay na ginanap sa Commonwealth Ave. at sa Sandiganbayan at Commission on Audit sa Quezon City.

Metro

SP Win, kinondena namataang pampasabog malapit sa Senado

Gayunman, binanggit din nilang may ilang insidente ng isolated cases silang naitala sa ilang lugar, na anila pa, agad nilang tinugunan upang matiyak na hindi ito magdudulot ng kompromiso sa seguridad ng SONA. 

Saad ng PNP, 39 indibidwal ang kanilang naaresto dahil sa alegasyong paglabag sa Quezon City Anti-Vandalism Ordinance, Malicious Mischief, Presidential Decree No. 1829, at mga probisyon sa Revised Penal Code na may kaugnayan sa hindi pagsunod sa mga awtoridad at panggugulo. 

“While both activities were generally peaceful, isolated incidents were recorded in some areas. Police arrested 39 individuals for alleged violations of the Quezon City Anti-Vandalism Ordinance, Malicious Mischief, Presidential Decree No. 1829, and provisions of the Revised Penal Code related to resistance or disobedience to persons in authority and disturbances of public order. The situations were promptly addressed by personnel on the ground, preventing any significant disruption to the overall security environment,” dagdag pa ng PNP. 

Sa pagtatapos ng pahayag, kinilala at pinasalamatan ng PNP ang publiko dahil sa kanilang pakikiisa sa mga awtoridad upang mapanatili ang kaayusan habang inihahayag ang kanilang saloobin sa pamahalaan. 

"Nagpapasalamat tayo sa ating mga kababayan na nakiisa sa pagpapanatili ng kaayusan habang iginagalang ang karapatan ng bawat isa na ipahayag ang kanilang saloobin nang mapayapa. Bagama't may ilang insidenteng nauwi sa pag-aresto dahil sa mga naitalang paglabag sa umiiral na mga ordinansa at batas, agad itong naaksyunan ng ating mga pulis sa mahinahon at propesyonal na paraan." pagkilala ng PNP. 

Matatandaang isa ang grupong Akbayan sa mga nagdaos ng kanilang kilos-protesta noong Hulyo 27, kasabay ng SONA ni PBBM. 

Isa sa mga sigaw nila, hindi kusang loob na biyaya ng pamahalaan ang pag-aalis ng systems loss sa Meralco bills, dahil ito raw ay bunga ng matagal at matatag na laban ng mamamayan sa umano’y hindi makatarungang singil sa kuryente. 

MAKI-BALITA: Akbayan sa pahayag ni PBBM na tanggalin systems loss: 'Hindi kusang-loob na biyaya ng pamahalaan!'