ISINUGOD sa ospital ang rising rapper na si C Glizzy, na kaibigan ni XXXTentacion, makaraang barilin sa ulo ng hindi pa kilalang suspek.
Binaril si Glizzy, 16, tunay na pangalan ay Christian Moore, nitong Sabado habang nasa labas ng isang convenience store sa Pompano Beach, Florida, ulat ng WPLG Local 10 at Complex.
Mabilis namang naisugod si C Glizzy ng kapatid at kaibigan niya sa Broward Health North Hospital, ngunit habang nasa biyahe ay nasangkot pa sila sa car accident.
Iniulat na nawalan umano ng kontrol ang dalawang lalaki sa minamanehong sasakyan at sumalpok sa dingding sa exit ramp sa I-95.
Kalaunan ay inilipat si C Glizzy sa ospital kung saan sumailalim siya sa surgery para maalis ang bala na nakabaon sa kanyang ulo, ulat ng WPLG Local 10.
“[C Glizzy’s] mom tells me he is heavily sedated and not talking right now, but she is expecting and hoping that he’ll survive the gunshot wound he sustained to the head,” tweet ni Madeleine Wright ng WPLG.
“Someone opened fire on him as he was leaving a store on MLK Blvd,” dagdag pa niya.
Iniimbestigahan na ng Broward Sheriff’s Office ang insidente.
Ang pamamaril ay naganap dalawang buwan makaraang ilabas ni Glizzy ang album niyang Numb the Pain.
Ang rapper ay may mahigit 60,000 followers sa Instagram at naging popular nang matukoy na kaibigan ni XXXTentacion.
Si XXXTentacion, isinilang na Jahseh Dwayne Onfroy, ay binaril at napatay sa isang motorcycle dealership sa Fort Lauderdale noong June 2018. Siya ay 20 taong gulang.
Makalipas ang isang buwan, apat na kalalakihan ang kinasuhan ng first-degree murder at armed robbery kaugnay ng kaso.
Sa kanyang ilang taon sa spotlight, kinakitaan si XXXTentacion ng national success bilang rapper ngunit ilang beses na rin siyang lumabag sa batas.
Nang mabaril at mapatay, ayon sa ulat ng PEOPLE, nahaharap umano noon si XXXTentacion sa trial dahil sa ilang bilang ng felony kaugnay ng umano’y pananakit niya sa isang buntis. Iginiit naman niyang walang katotohanan ang mga alegasyon.