July 29, 2026

Home BALITA

PNP nagluluksa sa pulis na namatay matapos ang kaniyang SONA duty

PNP nagluluksa sa pulis na namatay matapos ang kaniyang SONA duty
Photo courtesy: PNP


Nagluluksa ang Philippine National Police (PNP) sa pagkasawi ng pulis na si Patrolman Chris Heredero noong Martes, Hulyo 28, matapos itong maaksidente sa Caloocan City, nang pauwi na galing sa kaniyang security duty noong ikalimang State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.

Sa pahayag na inilabas ni PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. nitong Miyerkules, Hulyo 29, tiniyak niyang maipapaabot sa mga naulila ng pulis ang kanilang mga tulong at suporta.

“Nakikiramay kami sa pamilya ng ating kasamahang pulis na nag-alay ng kanyang buhay habang ginagampanan ang kanyang tungkulin. Ang kanyang dedikasyon at serbisyo sa bayan ay hindi malilimutan. Sisiguraduhin natin na maibibigay ang lahat ng kinakailangang suporta sa kanyang pamilya, habang hinahayaan nating umusad ang imbestigasyon nang patas at naaayon sa batas,” saad ni Nartatez.

Nagpaalala rin ang hepe hinggil sa maingat at responsableng pagmamaneho sa kalye o kalsada.

“Ang bawat buhay ay mahalaga. Hinihikayat natin ang lahat ng motorista na maging maingat at responsable sa pagmamaneho. Sa ating mga kapulisan, ipinagpapatuloy natin ang ating misyon na maglingkod nang may integridad, disiplina, at malasakit sa kabila ng mga panganib na kaakibat ng ating tungkulin,” anang hepe.

Ayon sa paunang imbestigasyon, lulan ng kaniyang motorsiklo si Heredero nang ito ay masangkot sa isang banggaan sa isang truck sa kahabaan ng C-3 road.

Agad siyang dinala sa malapit na ospital, ngunit idineklara rin siyang dead on arrival.

Dahil dito, ang 37-anyos na truck driver ay dinala sa kustodiya ng pulisya, habang inihahanda ang mga posibleng reklamong ihahain laban sa kaniya.

Siniguro naman ng ahensya na magiging patas ang paghahawak sa kaso, at titiyaking masusunod ang mga umiiral na batas.

Patuloy pa rin ang pagkakasa ng imbestigasyon hinggil sa naturang insidente.

Sa hiwalay na pahayag, nagpaabot din ng pakikiramay ang National Police Commission (NAPOLCOM) para sa pamilya at mahal sa buhay na naulila ng nasawing pulis.

MAKI-BALITA: NAPOLCOM, nakiramay sa mga naiwan ng nasawing pulis na naaksidente matapos SONA duty-Balita