Hindi na dapat bigyan ng posisyon ang sinumang opisyal ng pamahalaan na nasasangkot sa katiwalian at sa halip ay kasuhan at usigin ito.

Ito ang iginiit ni Senador Francis Escudero at sinabing hindi rin ito dapat bigyan ng posisyon upang hindi pagdudahan ang kampanya ng gobyerno laban sa kurapsyon.
Tinukoy ni Escudero si dating Manila Iinternational Container Port
(MICP) District Collector Vener Baquiran na itinalagang Deputy
Commissioner ng Bureau of Customs (BoC).Inilabas ng senador ang reaksyon kasunod na rin ng pagbubunyag ni Senador Panfilo Lacson na patuloy pa rin ang katiwalian sa BoC kung saan tila nire-recycle ang nakukumpiskang illegal drugs.
Matatandaang ibinulgar ni Lacson na tumatanggap si Baquiran ng ‘tara’ sa ahensiya at siya rin umano ang nagpabaya kaya nakalusot ang kontrabando na naglalaman ng shabu .
Kinuwestiyon din ni Escudero ang hindi pagsasampa ng kaso ng pamahalaan laban kay Baquiran kaya muling naitalaga sa mas mataas na posisyon sa BOC.
-Leonel M. Abasola