TINANONG namin ni Shaina Magdayao kung lilipat siya sa GMA 7 lalo’t hindi pa pala siya nagre-renew ng kontrata niya sa ABS-CBN Star Magic pagkatapos ng presscon ng digital series na Past, Present, Perfect sa IWant TV, nitong Martes.

Ayon sa aktres ay matagal nang may alok sa kanya na mag-renew ng kontrata sa Dos pero hindi pa niya nagagawa dahil parati siyang wala sa Pilipinas.
“Nu’ng March po kasi nagpunta ako ng Madrid (Spain) for our Kapamilyas sa TFC, and then magpapahinga ako, I extended for a while, pagdating ko, tinapos namin ‘yung ‘The Halt’, tinapos namin ‘to, (Past, Present, Perfect) tapos after two weeks, nakatanggap ako ng tawag na nakapasok kami sa Cannes Film Festival, so kinailangan ko ulit umalis.”
Iginiit ni Shaina na hindi siya aalis ng ABS-CBN at walang dahilan pala umalis siya ngayon dahil ang daming magagandang nangyayari sa kanya ngayong taon kaya ini-embrace niyang lahat ng ito.
“Sa buong karera ko, sa buong pinagdaanan ko, hindi naman natin maalis na nagpapasalamat ako, well number 1 sa ABS kasi dito na ako lumaki and also sa kabilang istasyon kasi doon ako nagsimula.
“So far, maganda ang aking pagbalik from Cannes at itong ‘Past, Present, Perfect’. So far, maraming magagandang nangyayari sa buhay ko ngayon, all unexpected.
“Masaya ako ngayong 2019 parang tinatanggap ko ang 30th birthday (gift) ni Lord sa akin. So, unang quarter palang ng taon ang daming magagandang bagay na nangyari sa akin kaya nagpapasalamat ako,” pahayag ng dalaga.
At sa pagdalo niya sa Cannes Lions Festival ay sobrang overwhelmed siya dahil ni-represent nila ni Piolo Pascual ang Pilipinas para sa pelikulang The Halt na napasama sa festival at sobrang kinabahan pa sila ng aktor dahil sila lang ang dumalo, dahil ang direktor nilang si Lav Diaz ay nasa Cuba para sa film schooling.
Overwhelmed dahil pawang mga kilalang personalidad sa Hollywood at ibang Asian countries ang nakita ni Shaina kaya sa tuwing tatanungin siya kung ano ang experience niya sa nasabing film festival:
“It’s overwhelming kasi ‘yung crowd, from Hollywood to Bollywood, Asian filmmakers from the producers, directors, actresses, actors and even models, nandoon sila to attend the film festival and all of a sudden you feel so small, ang liit mo and it’s very humbling.
“It’s very humbling to the point na I even appreciate the people around me right now. Kasi doon sarili mong sikap, sarili mong bihis, sarili mong make-up, sarili mong buhok, isa lang ang kasama ko. Tapos dito sa Pilipinas, you’re very spoiled, in that way, sobra akong na-humble nu’ng experience.
“It opened my eyes to a different world. Parang gigil na gigil tuloy akong magtrabaho, para tuloy kung anuman ‘yung nakita ko ro’n, gusto kong dalhin dito, gusto kong sabihin na, ‘huy kung kaya nila, kaya rin ng Pilipino’.
“Marami akong gustong mangyari na ma-adopt dito, sadly, kasi ang layo talaga the way they respect cinema, the way they see film, but then I’m very fortunate na nakatrabaho ko ‘yung katulad ni Direk Lav Diaz na akala ko okay na, akala ko wala na akong puwedeng gawin, pero dinala nila ako sa panibagong mundo,” kuwento ng aktres.
Samantala, naikuwento rin ng aktres na habang nasa ibang bansa siya ay nag-trending ang Past, Present, Perfect series nila sa Twitter.
“I was still in Europe nu’ng ipalabas ito and natuwa ako na maraming naka-appreciate and hindi ko maangkin na 100% kasi mayroon akong ibang ginagawa nu’ng ginawa ko ito which is ‘The Halt’, ‘Ang Hupa’, na ipinalabas sa Cannes, sabay kong ginawa and katatapos lang din ng ‘Asintado’ (serye) if I remember correctly, so parang bago for me kasi it’s the first time na gumawa ako ng ganito ka-light.
“Tapos si Direk Dwein Baltazar, parang sobra lang niyang kalma sa set so hindi ko alam kung tama ba ‘yung ginagawa ko, parang ‘pag sinabi niyang cut, good and keri. Pang gumanu’n na siya, parang sa loob-loob ko, ‘Direk tama ba ‘yung ginawa ko?’ Kasi sanay akong umiiyak, nagagalit. Lahat ng mabibigat ginawa ko at hindi ako sanay na ganito ka-light ‘yung project na ibinibigay sa akin.
“So sobra akong grateful na ipinagkatiwala sa akin ng Epic Media, ni Direk Dwein and also ni Miss Ginny (Monteagudo-Ocampo) na naka-trabaho ko before sa the ‘Better Half’,”masayang sabi ng aktres.
Gagampanan ni Shaina ang karakter na Shantal bilang manunulat na na-in love sa kanyang teacher na si Vin Abrenica.
Makakasama rin sa Past, Present Perfect sina Loisa Andalio, Elijah Canlas, VJ Mendoza, Alorah Sasam, Eda Nolan, AMY Nobleza, Iana Bernardez, Peewee O’ Hara, Awra Briguela, Allan Paule at Romnick Sarmenta, mula
sa direksyon ni Dwein Baltazar. Mapapanood na ang Past, Present Perfect sa IWant.
-REGGEE BONOAN