Ibinahagi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang ilan sa mga umano’y magiging benepisyo ng kontrobersyal na Pax Silica, sa kaniyang ikalimang State of the Nation Address (SONA) nitong hapon ng Lunes, Hulyo 27, 2026.
Sa kabila ng mga protestang ikinakasa laban sa Pax Silica, mariing binigyang-diin ni PBBM ang epekto nito sa pagbibigay ng mas marami pa raw na trabaho sa mga Pilipino.
“A product of the 23-member strong and US-led Pax Silica Initiative, the Pax Silica Industrial Hub will create an eco-system that will have AI at its core,” ani PBBM.
Paliwanag pa niya, “It will bring quality jobs to our people, accelerate our industrial competitiveness, and revitalize our economy.”
Dagdag pa ng Pangulo, maaari din umanong maging sentro ng manufacturing at logistics center ng global artificial intelligence (AI) ang Luzon.
“As a strategic component of the Luzon Economic Corridor, the hub will be an advanced manufacturing and logistics center in the global AI and technology value chain,” anang Pangulo.
Kung sakaling matuloy, nakatakdang itayo ang Pax Silica sa tinatayang 1,600 ektaryang lupain sa New Clark City sa Tarlac.
Ayon sa U.S. Department of State, ang Pax Silica ay inisyatibo ng nasabing kagawaran para sa artificial intelligence (AI) at supply chain security.
Sa mas mababaw na termino, ang Pax Silica ay isang pasilidad na siyang nakatakdang gumawa ng mga materyales para sa mga teknolohiyang nakaangkla sa AI—bagay na mariin ding tinututulan ng karamihan.
Ayon sa mga kritiko, ang Pax Silica ay nakaangkla sa pagkuha at pagproseso ng mga critical mineral gaya ng nickel, cobalt, at iba pang mga sangkap na esensyal sa paggawa ng semiconductor at mga advanced na electronics.
Pampronta lang din umano ang inilalakong "economic security" at "supply chain resilience" na inilalako ng Pax Silica dahil ang kapakinabangan nito ay higit na nakatuon sa “external strategic and military requirements” imbes na sa pambansang pag-unlad.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Perwisyo o benepisyo?’ Mga dapat malaman tungkol sa Pax Silica