ULAANBAATAR, Mongolia – Nasalpak ni Angel Surada ang krusyal baskets sa overtime para sandigan ang Team Philippines sa manipis na 15-14 panalo kontra Czech Republic nitong Miyerkoles para makausad sa knockout quarterfinals ng 2019 Fiba 3x3 Under-18 World Cup dito.
Kumikig ang 2018 Palarong Pambansa MVP sa huling tirada ng Pinay sa naiskor na magkasunod na baskets, tampok ang game-winner mula sa assist ni Ella Fajardo para makumpleto ang two-game sweep sa kanilang kampanya. Nauna nilang naungusan ang The Netherlands (10-9).
Natipa niya ang tatlong puntos sa koponan na pinangangasiwaan ni Patrick Aquino para sa 3-1 karta at makamity ang No.2 spot sa Pool C. Tiyak na mapapalaban ang Pinay sa pagharap sa Pool A leader China sa playoffs match sa Biyernes.
Nanguna si Camille Clarin sa Team Philippines na may pitong puntos.
Naghabol ang Czechs sa pamamagitan ng tatlong sunod na puntos ni Sara Kocourkova bago naipuwersa ang overtime sa buzzer-beating ni Pavlina Tabackova.
Hataw si Tabackova sa Czechs na may siyam na puntos.
Iskor:
PHILIPPINES (15) - Clarin 7, Fajardo 3, Surada 3, Pingol 2.
CZECH REPUBLIC (14) - Tabackova 9, Kocourkova 3, Helebrantova 2, Kubenova 0.