Binigyan ni Palace Press Officer at Presidential Communication Office Usec. Atty. Claire Castro ng marka ang performance ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. bago magsimula ang ikalima nitong State of the Nation Adddress (SONA).
Sa panayam ng media nitong Lunes, Hulyo 27, sinabi ni Castro na 100% umano ang gradong nararapat na ibigay sa Pangulo.
Aniya, “Bibigyan ko siya ng 100%. Ako ang mage-grade, e.”
“But definitely, sa aking personal na kaalaman, dahil nakakasama natin ang Pangulo sa mga meeting at nakikita natin 'yong mga ginagawa ng Pangulo, bibigyan ko siya talaga. Sabihin natin mga 90%,” dugtong pa ni Castro.
Samantala, tumanggi na muna siyang magbigay pa ng detalye tungkol sa magiging pasabog ni Marcos, Jr. sa ikalima nitong SONA.
"Tingnan na lang natin mamaya. Abangan natin. Sabi nga ng Pangulo, abangan ang susunod na kabanata," saad ni Castro.
Maki-Balita: PBBM may pahaging sa SONA: 'Abangan ang susunod na kabanata'
Matatandaang tumatak noong nakaraang SONA ng Pangulo ang katagang “mahiya naman kayo” bilang pagtuligsa sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects sa ahensya ng Department of Public Works and Highways (DPWH).