Tila nagbiro si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na abangan umano ng publiko “ang susunod na kabanata” kaugnay sa usapin ng korapsyon sa nakatakda niyang State of the Nation Address sa Lunes, Hulyo 27, 2026.
Matatandaang ang katagang “mahiya naman kayo” ni PBBM ang isa sa mga tumatak na linya niya sa nakaraan niyang SONA noong Hulyo 28, 2025, kung saan binira niya ang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects sa ahensya ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
KAUGNAY NA BALITA: SONA ni PBBM ‘kulminasyon,’ ‘resolusyon’ sa lahat ng komplikasyon—SILG Remulla
Sa pahayag ni PBBM sa panayam sa kaniya ng media nitong Biyernes, Hulyo 24, sinabi niyang hindi pa raw siya tapos sa pagsusulat ng kaniyang mga sasabihin sa ikalima niyang SONA.
Giit ng Pangulo, naiisip nga raw niyang baka baguhin pa niya ang kaniyang mga naisulat kahit sa pagdating ng isang oras bago magsimula ang kaniyang pagharap sa publiko sa Lunes, sa kagustuhan niyang maging perpekto ito.
“I [am not] done. I think one hour before the SONA, I’m still changing it. Because, of course, I want it to be perfect,” pagsisimula niya.
Paglilinaw naman ni PBBM, aabot na sa mahigit 90 porsyento ang mga sinulat niyang sasabihin sa SONA at inaayos na lang umano nila ito upang masiguradong hindi magiging masyadong mahaba o maiksi ang kaniyang iuulat sa publiko.
“On the whole, yes. I would say the actual language is 90 plus percent done. We’re just fixing it up and making sure that’s not too long or not too short, that everything we want to talk about is already included,” aniya.
Samantala, hindi naman na direktang sinagot ng Pangulo ang tanong sa kaniya ng media kung may bago siyang isisiwalat sa publiko kaugnay sa mga korapsyon sa bansa, kagaya ng naging kontrobersyal niyang SONA noong Hulyo 2025.
“Abangan ang susunod na kabanata,” pagtatapos niya.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, sinupalpal mga korap sa flood control project: 'Mahiya naman kayo!'
KAUGNAY NA BALITA: Kamara, ready na sa ikalimang SONA ni PBBM