Inihayag sa publiko ni Department of the Interior and Local Goverment (DILG) Sec. Jonvic Remulla ang ilang sa magiging sentro umano ng nakatakdang State of the National Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Inaasahan na ng publiko ang pagkakasa ng Pangulo ng kaniyang ikalimang SONA sa darating na Lunes, Hulyo 27, 2026, sa Batasang Pambansa sa Quezon City, magmula nang mahalal siya sa puwesto noong 2022.
Matatandaang ang katagang “mahiya naman kayo” ni PBBM ang isa sa mga tumatak na linya niya sa nakaraan niyang SONA noong Hulyo 28, 2025, kung saan binira niya ang mga sangkot sa maanomalyang flood control projects sa ahensya ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, sinupalpal mga korap sa flood control project: 'Mahiya naman kayo!'
Sa pahayag ni Remulla sa panayam sa kaniya ng isang TV station noong Huwebes, Hulyo 23, ibinahagi niyang pupuntuhin ni PBBM sa unang yugto ng kaniyang SONA ang mga agenda nito sa mga nalalabi pa niyang termino bilang Pangulo.
“The first one is set for the agenda for the entire term,” pagsisimula niya.
Ani Remulla, kasunod naman daw tatalakayin ni PBBM ang “denouement” o resolusyon sa mga naging komplikasyon pinuna nito noong nakaraang taon.
“And this one is the denouement of the entire length of service,” aniya.
“It is the culmination and resolution of all conflicts,” pagtatapos pa niya.
Samantala, matatandaang inihayag na rin ni Remulla noong Hulyo 22 na “in place” o handa na ang lahat ng security preparations para sa gaganaping SONA ni PBBM.
Aniya, mahigit 20,000 pulis ang ipadadala upang masiguro ang kapayapaan at kaligtasan sa nasabing kaganapan.
KAUGNAY NA BALITA: Security preparations para sa SONA ni PBBM, 'in place' na—SILG Remulla
KAUGNAY NA BALITA: Kamara, ready na sa ikalimang SONA ni PBBM