Tiniyak ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla noong Miyerkules, Hulyo 22, na “in place” na ang lahat ng security preparations para sa gaganaping State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa darating na Lunes, Hulyo 27, sa Batasang Pambansa sa Quezon City.
Sa isang panayam, ibinahagi ni Sec. Remulla na higit 20,000 pulis ang ipadadala upang masiguro ang kapayapaan at kaligtasan sa nasabing kaganapan.
"Yes, we are ready. In fact, command conference namin tungkol dito ngayon. We have 20,000 police now deployed, and we are ready for any contingencies," saad ni Remulla.
Bilang bahagi ng preparasyon para sa ikalimang SONA ng Pangulo, itataas naman ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa full alert status ang kanilang ahensya simula sa Biyernes, Hulyo 24, 5:00 ng hapon.
Babantayan din ng Philippine National Police (PNP) ang ilang traditional demonstration areas—kabilang na ang Batasang Pambansa at People Power Monument sa Quezon City, Malacañang, Liwasang Bonifacio, ang Senado sa Pasay City, at ang United States Embassy.
Sa kaugnay na ulat, matatandaang inilahad din ni House Speaker (HS) Faustino “Bojie” Dy III na handa na ang Kamara para sa ikalimang SONA ni PBBM.
“Tungkulin nating tiyakin na ang bawat aspeto ng SONA ay magiging maayos, ligtas, at karapat-dapat sa kahalagahan ng okasyong ito,” saad ni Dy sa kaniyang pahayag noong Miyerkules, Hulyo 22.
MAKI-BALITA: Kamara, ready na sa ikalimang SONA ni PBBM-Balita
Ito na ang ikalawa sa huling SONA ni PBBM mula noong siya ay naging Pangulo noong 2022.