SA ginanap na celebrity screening ng pelikulang Sunshine Family nina Sue Ramirez, Carlo Masa, Shamaine at Nonie Buencamino kasama ang Korean actor at miyembro ng grupong Blanc 7 na si Shinwoo, ay napuno ang Trinona Cinema 5 dahil sa rami ng supporters ng bawa’t artista ang dumalo.
First time palang pumunta ng Pilipinas ni Shinwoo base sa panayam namin sa kanila kasama ang ilang katoto at dumating siya sa bansa nitong Sabado, June 1.
Tinanong ang leading man ni Sue sa pelikula kung anong masasabi niya sa Pilipinas pero napangiti lang, “what can I say?” Kaagad naman siyang sinalo ng dalaga, “hindi pa siya masyadong nakakaikot kasi panay ang promo these past few days.”
Hindi kami pamilyar kay Shinwoo bilang miyembro ng K-Pop pero okay naman siya umarte sa Sunshine Family bilang policeman boyfriend ni Sue at nakakaaliw siya, huh, lalo na nu’ng tagalog niyang sabihan ang dalaga ng “mahal kita” na sinagot naman ng “gago” ng aktres.
At nagulat ang lahat dahil may kissing scene sina Shinwoo at Sue kaya ang tingin ng lahat ay nabaling kay Joao Constancia na boyfriend ng dalaga na nanood din.Pero walang reaksyon ang miyembro ng Boyband PH dahil alam niyang trabaho lang iyon at higit sa lahat, kanyang-kanya naman ang aktres.
Hagalpakan naman ang lahat sa hindi natuloy na love scene ng mag-asawang Nonie at Shamaine sa kotse dahil nga masikip at ang laki nila. Ang galing talagang umarte ng dalawa, napakanatural, as in. Sana gumawa pa sila ng ganitong klaseng pelikula na may mga landian on the side para naman may maibang mapanood sa kanila na hindi lang puro drama.
Si Marco ay nag-audition para sa karakter niyang batang bading at bumagay sa kanya dahil malamya talaga siyang magsalita at kumilos.
Annoying ang karakter ng Korean actress na kapitbahay ng Sunshine Family na walang ginawa kundi bantayan ang bawat kilos nila. Ipinakita na hindi lang mga Pinoy ang may ganitong ugali na totoo naman dahil sa bawat bansa ay hindi maiiwasan ang pagiging tsismosa at mapaggawa ng isyu. Buti na lang at level headed ang asawa niya na nag-uudyok ditong tantanan na ang kaka-stalk sa kapitbahay.
Feel good movie ang Sunshine Family kaya maraming nakaka-relate rito, nakulangan lang kami dahil sa Korea ang location pero hindi naman naipakita ang magagandang lugar doon.
Tulad sana na pagdi-date sina Sue at Shinwoo pero nasa tatlong lugar lang, hindi man lang nasilayan ang iba pang tourist spots doon na gustong makita ng moviegoers kaya sila nanonood ng mga pelikulang sa ibang bansa kinunan.
Anyway, palabas na ang Sunshine Family nitong June 5 at walang takot na sumabay sa X-Men dahil naniniwala si Direk Kim Tai Sik ng Film Line Pictures Production at Spring Films na may sariling audience ang pelikula nila.
Oo naman!
-Reggee Bonoan