MAY karapatan naman palang magmalaki si Direk Mark Reyes at ang mga co-producers niya ng digital movie nilang Mystified na sina Iza Calzado, Sunshine Dizon, Karylle, at Diana Zubiri, dahil talagang kahanga-hanga ang buong production, mula sa story, acting, special and visual effects, cinematography, direction, musical score.
Tampok sa Mystified ang original cast ng telefantasya ng GMA Network, ang Encantadia noong 2005, na ginampanan ng apat bilang mga Sang’gre. Nagsisilbing reunion nila ito, pero this time, sa isang digital movie sila magbibida.
Nagkaroon ng exclusive screening ang Mystified sa Cinema 1 ng Shangri- La Mall in Mandaluyong City last Saturday, March 23, at dumalo ang apat na bida na may kani-kanilang hawak na teddy bear, na nakasuot ng costume nila sa movie.
Medyo nagkaiyakan sina Iza, Sunshine, Karylle at Diana. Tears of joy iyon, habang yakap nila ang kani-kanilang teddy bears dahil na-miss nila si Direk Mark, na umalis last Saturday morning for Japan.
Matagal na raw kasing nakatakda ang commitment ng direktor, at ilang beses nang na-delay ang pag-alis niya. This time, hindi na puwedeng hindi siya tumuloy. May pa-blowing of birthday cake pa si Karylle, na dapat ay dalawa sila ni Direk Mark, dahil sabay sana silang magse-celebrate.
Ayaw naming mag-preempt ng mga eksena, pero habang ipinalalabas ang movie, may mga eksenang napupuno ng palakpak ng audience ang theater.
Sinuportahan din ng mga kapwa artista ang movie. Sa part nina Diana at Sunshine, naroon ang mga taga-GMA Network, GMA Artists Center, like sina Kyline Alcantara at Rich Asuncion, na kasama ni Sunshine sa Inagaw Na Bituin. Kasama ni Rich ang husband na si Benjamin Mudie, sinamahan naman si Diana ng husband niyang si Andy Smith.
Kasama ni Iza ang husband na si Ben Wintle. Kasama ni Karylle ang amang si Modesto Tatlonghari, habang naroon din si Sunshine Cruz—na kabilang sa cast ng movie—kasama ang tatlong daughters niyang sina Angelina, Samantha at Francheska, at boyfriend na si Macky Mathay. Sumuporta rin ang Kapuso actress na si Yasmien Kurdi, kasama ang husband na si Rey Soldevilla.
Ilan pa rin rin sa members ng cast na dumalo ay ang action star na si Ian Ignacio, Matthias Rhoads, at iba pa.
Ipalalabas ang Mystified sa iFlix, at mapapanood sa 22 countries. Although napapanood na ang trailer, wala pa silang ibinigay na exact date kung kailan ito talaga mapapanood.
Based sa ending ng movie, mukhang may part two ang Mystified.
Congratulations sa buong Mystified Team!
-NORA V. CALDERON