July 31, 2026

Home BALITA

Bong Revilla, may ‘family time’ na, matapos makulong ng 6 na buwan—legal counsel

Bong Revilla, may ‘family time’ na, matapos makulong ng 6 na buwan—legal counsel
Photo courtesy: Contributed photo

Makakasama na ni dating Senador Bong Revilla Jr., ang kaniyang pamilya matapos payagan ng Sandiganbayan na makapagpiyansa sa kinahaharap nitong kasong malversation kaugnay ng umano'y "ghost" flood control project sa Pandi, Bulacan.

KAUGNAY NA BALITA: Bong Revilla, nagbitaw ng ₱1M para pansamantalang makalaya!

Kasunod ng naging desisyon ng anti-graft court, naglabas ng pahayag ang legal counsel at tagapagsalita ni Revilla na si Atty. Rean Balisi nitong Biyernes, Hulyo 31, 2026. 

Ayon sa abogado, nananatiling buo ang tiwala ng dating senador sa hudikatura mula pa sa simula ng pagdinig ng kanyang kaso.

"From the beginning, former Sen. Bong Revilla placed his trust in the judicial system. This resolution of the Court to grant him bail affirms the truth that the evidence of guilt is not strong,” ani Balisi.

Metro

Las Piñas NHS, kinumpirma nangyaring saksakan sa paaralan; 1 patay!

Ayon pa kay Balisi, lubos ang pasasalamat at kagalakan ni Revilla sa naging pasya ng hukuman, lalo na't muli na niyang makakasama ang kaniyang pamilya matapos ang ilang buwang pagkakakulong.

"Sen. Revilla is thankful and elated. He will be spending time with his family whom he has been apart from for the last 6 months,” anang abogado.

Nauna nang kinumpirma ng Sandiganbayan Third Division ang pagpayag nitong makapagpiyansa si Revilla ng ₱1 milyon habang nagpapatuloy ang paglilitis sa kasong isinampa laban sa kaniya.

Inakusahan si Revilla at anim na dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Bulacan ng umano'y pagdeklara na natapos na ang isang flood control project na nagkakahalaga ng ₱92.8 milyon kahit wala umanong aktuwal na konstruksyong naisagawa.

Patuloy namang itinatanggi ni Revilla ang mga alegasyon laban sa kaniya at iginiit ng kaniyang kampo na haharapin nila ang kaso sa tamang proseso ng batas habang nagpapatuloy ang pagdinig sa Sandiganbayan.