Pinahintulutan ng Sandiganbayan Third Division si dating Senador Bong Revilla Jr., na makapagpiyansa sa kinahaharap nitong kasong malversation na may kaugnayan sa umano'y "ghost" flood control project sa Pandi, Bulacan na nagkakahalagang ₱92.8 milyon.
Kinumpirma nitong Biyernes, Hulyo 31 ni Sandiganbayan Third Division Clerk of Court Atty. Dennis Pulma ang desisyon ng anti-graft court. Dahil dito, pansamantalang makalalaya si Revilla habang nagpapatuloy ang paglilitis sa kaso.
Itinakda ng hukuman ang piyansa ni Revilla sa ₱1 milyon para sa kasong malversation.
Nauna na rin siyang pinayagang makapagpiyansa ng ₱90,000 sa hiwalay na kasong graft na dinidinig ng Sandiganbayan Fourth Division.
Samantala, ibinasura naman ng Sandiganbayan ang mga petisyon para sa piyansa ng anim na kapwa akusado ni Revilla na pawang mga dating opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Bulacan First District Engineering Office.
Kabilang sa kanila sina dating district engineer Brice Hernandez, mga engineer na sina Jaypee Mendoza, Arjay Domasig at Emelita Juat, gayundin sina finance section chief Juanito Mendoza at cashier Christina Pineda.
Batay sa reklamo ng Office of the Ombudsman, inakusahan si Revilla at ang iba pang mga akusado na umano'y nagdeklara na kumpleto na ang flood control project kahit wala namang aktuwal na imprastrakturang naitayo.
Iginiit din ng prosekusyon na gumamit umano ang mga akusado ng mga pekeng accomplishment report at iba pang dokumento, kabilang ang mga billing documents at disbursement vouchers, upang maproseso at mailabas ang kabuuang pondo para sa proyekto.
Mariin namang itinanggi ni Revilla ang mga paratang laban sa kaniya.
Bago ang desisyon ng Sandiganbayan, siya ay nakadetine sa New Quezon City Jail sa Payatas habang dinidinig ang mga kasong isinampa laban sa kaniya.