BASE sa ipinakitang VTR ng finale mediacon ng Playhouse finally home ay nabanggit ni Angelica Panganiban na tiyak na mahihirapan siyang mag-move on ngayong patapos na ang serye nila dahil nakatagpo siya ng pamilyang maganda ang samahan sa set, chill-chill lang kaysa sa lovelife na madali lang para sa kanya.
“Siguro nasa tamang edad na ako para ma-appreciate ko ‘yung tamang tao and napaka-bless ko para ibigay ‘yun sa tamang panahon. Naging magaan ang lahat, naging madali,” paliwanag ng aktres.
Hindi rin naiwasang matanong si Angelica tungkol kay Carlo Aquino na nang mawala siya sa Playhouse ay maraming CarGel fans ang nalungkot.
Posible bang magsama ulit sila sa iisang project?
Mabilis na sagot ng aktres, “parang wala.”
Pero hindi naman itinanggi ng dalaga na nakatulong ang pagpasok ni Carlo sa Playhouse bilang si Doc Harold.
“Oo naman, kasi 2nd week palang ng ‘Playhouse’ sinabi na sa amin na papasok ang karakter ni Carlo kaya hinintay na lang namin. Saka maiksi lang dapat sana ‘yung role, cameo lang, mga isang buwan lang pero napahaba na nang napahaba (karakter ni Carlo), so I guess nakatulong kasi tumagal ‘yung show,” pag-amin ng aktres.
At para magkaroon din ng conflict sa pagitan nina Angelica at Zanjoe Marudo bilang Marlon at Patty ay ipinasok si Isabel Daza as Lea na may gusto sa binata.
Inamin ni Angelica na nalungkot siya nang nawala si Carlo sa Playhouse, “As Patty, nalungkot ako nang umalis siya. May masaya bang umalis at iniwan ka?”
Pero bilang Angelica ay hindi na sinagot ng aktres kung nalungkot siya sa pag-alis ni Carlo sa show.
Tinanong din ang aktres tungkol sa mga hugot post niya sa kanyang social media account at kung para saan ang mga ito.
“Mga personal na ipinaparamdam ko iyon sa social media. May gusto akong isigaw sa universe hindi ‘yung parang ini-emote mo o inaarte mo lang,” katwiran ni Angelica.
Anyway, pagkatapos ng presscon ay tinanong ang dalaga kung open siyang makatrabaho ulit si Carlo.
“Hindi na muna siguro. Siguro panahon ang makakapagsabi. Kung buhay pa siguro ako nu’n,” saad ng aktres.
Kung iaanalisa ang sagot na ito ni Angelica ay iisa lang ang ibig sabihin, ayaw na niyang makasama ang aktor.
Inamin din niyang hindi sila magkaibigan ngayon ng ex-boyfriend at wala na silang komunikasyon.
“Matagal na rin. Basta matagal na rin,” sambit nito.
Sa mga huling linggo ni Carlo sa Playhouse pagkatapos nilang magkatampuhan ay naging civil na lang sila sa isa’t isa at disappointed siya kung bakit umabot sa ganu’n ang naging samahan nila.
“’Yun naman ‘yun, e. ‘Yun naman ‘yung nararamdaman ko, disappointed,” say nito.
Hanggang sa inamin na rin nitong pinaasa siya talaga ni Carlo na babalikan siya.
“’Yun ang sabi niya—umasa daw ako. So (umasa ako). Sa lahat naman ng sinabi niya, pinakita niya, ‘yun naman ang hinihintay ko. Sabi niya, gusto niyang maging maayos siya. Baka inaayos niya ang sarili niya ngayon,”pahayag ng aktres
Going back to Playhouse, simula nang umere ang serye ay napanatili nito ang mataas na ratings game sa national TV ratings at humataw sa all-time high rating na 20.5%. Pinag-uusapan din ng netizens ang tagpo sa serye sa araw-araw nitong pangunguna sa trending topics sa social media.
Mayroon din itong spin off na pinamagatang “ZEKEling Maging SHIELA,” isang iWant original series tampok ang love team nina Donny Pangilinan at Kisses Delavin na patuloy na umaani ng views mula nang ilunsad ito sa ABS-CBN streaming service.
Kasama rin sa PlayHouse sina Isabella Daza, Kean Cipriano, AC Bonifacio, Ariella Arida, Dexter Doria, Nadia Montenegro, Ingrid Dela Paz, Jomari Angeles, Malou De Guzman, Smokey Manaloto, at Maxene Magalona.
-Reggee Bonoan