GUMILING na ulit ang camera ni Direk Dondon Santos para sa pelikulang G!, na pagbibidahan nina McCoy de Leon, Mark Oblea, Paulo Angeles, at Jameson Blake, na produced ng Cineko Productions.
Ilang buwan ding natengga ang shooting dahil hindi magtagpo ang schedules ng bawat artista, lalo na sina McCoy at Jameson na kaliwa’t kanan ang ginagawang pelikula.
Bubuhayin ng G! ang mga pelikulang coming of age, tulad Bagets, Trip, Gimik, TGIS, at Pare Ko.
Sa pelikula, si McCoy ay si Sam, na lider ng grupo. Mayaman, astig, habulin ng girls, at skipper ng football team nina Mark, Paulo at Jameson.
Ang karakter naman ni Mark ay si Wacks, na matalino, maloko at green-minded.
Mahina ang loob, madalas source ng guilt feelings ng grupo, at moralista naman si Paulo bilang si Bryan.
Best friend naman ni Sam si Dom (Jameson) mabait at malakas ang loob.
Iikot sa bucket list ni Sam ang kuwento ng G! at malalaman ang mga kalokohan nilang lahat.
Kasama rin sa pelikula sina Moi Bien, Rosanna Roces, Dominic Roque, Patrick Sugui, Nick Parker, Kira Balinger, Lara Quigaman, at marami pang iba.
Aliw ang takbo ng shooting ng grupo dahil magkakasundo silang lahat at ang saya-saya nila. Kahit madaling araw na ay mataas pa rin ang energy ng lahat.
Komedyante pala si Paulo, dahil wala siyang ginawa kundi magpatawa at sayawan ang lahat. Si Mark naman ay seryosong inaaral ang linya. Tahimik naman sa isang tabi si Jameson, at si Mccoy ay walang ginawa kundi ngumiti at tumawa sa pinaggagawa ng una.
Napuri naman ng buong production ang grupo, dahil hindi raw sila mapili sa pagkain at higit sa lahat, may bitbit na baon din si Paulo at isine-share niya ito sa lahat.
Isa pang ikinapuri sa mga Hashtag members ay magagalang silang lahat at seryoso sa kanilang mga ginagawa.
Wala pang target playdate ang G!.
-Reggee Bonoan