Nasawi ang isang 38-anyos na magsasaka matapos siyang atakihin at suwagin ng kaniyang alagang kalabaw sa Barangay Quiwi, Hinigaran, Negros Occidental noong Huwebes, Hulyo 30, 2026.
Kinilala ng mga awtoridad ang biktima na si alyas “Ronald,” isang magsasaka na gumagamit ng naturang kalabaw sa kaniyang kabuhayan sa bukid.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Hinigaran Municipal Police Station, nasa paligid ng kanilang sakahan ang biktima nang mangyari ang insidente.
Samantala, ang kanyang live-in partner ay pansamantalang umalis upang kumuha ng tubig.
Ilang sandali lamang, nakarinig umano ng malakas na sigaw at paghingi ng tulong kinakasama ng biktima. Nang balikan niya ang lugar, nadatnan niyang nakahandusay ang biktima habang patuloy pa rin itong inaatake ng pitong taong gulang na lalaking kalabaw.
Agad namang rumesponde ang ilang residente sa lugar at nagtulong-tulong upang mapahinahon at mailayo ang hayop mula sa biktima.
Isinugod pa sa ospital si Ronald upang mabigyan ng agarang lunas, ngunit idineklara siyang dead on arrival ng mga doktor dahil sa matitinding pinsalang tinamo sa katawan.
Patuloy na inaalam ng pulisya kung ano ang posibleng dahilan ng biglaang pagwawala ng kalabaw.
Ayon sa mga awtoridad, walang indikasyon ng foul play at itinuturing na isang malagim na aksidente ang insidente.
Pinaalalahanan din ng mga eksperto sa paghahayupan ang mga nag-aalaga ng kalabaw at iba pang malalaking hayop na maging maingat sa paghawak sa mga ito, lalo na sa mga lalaking kalabaw na maaaring maging agresibo kapag nakararanas ng stress o nasa breeding season.