Iniulat ngayong Huwebes ng Department of Health na umaabot na sa 140 katao ang nasawi dahil sa dengue.
Batay sa huling datos ng Epidemiology Bureau (EB) ng DoH, nabatid na ang naturang bilang ng dengue deaths ay kabilang sa 36,664 na naitala sa bansa simula Enero 1 hanggang Pebrero 23, 2019 lang.
Mas mataas ang naturang bilang kumpara sa 21,961 kaso at 107 pagkamatay na naitala sa kaparehong petsa noong nakaraang taon.
Pinakamaraming nabiktima ng sakit na 5-9 anyos, ngunit ang mga dinapuan ng sakit at sanggol hanggang 96 anyos.
Karamihan naman sa mga na-dengue ay lalaki, na umabot sa 19,455 kaso.
Ayon sa DoH, pinakamaraming na-dengue sa Region 7, na umabot ng 4,089 kaso at 29 ang patay; kasunod ang CARAGA Region (3,876 kaso at 12 deaths); National Capital Region (3,821 kaso at 14 deaths); Region 4-A (3,767 kaso at 12 deaths), at Region 3 (3,070 kaso at 6 deaths).
Kaugnay nito, patuloy na pinag-iingat ng DoH ang publiko laban sa dengue na nakukuha sa kagat ng lamok.
Payo ni Health Secretary Francisco Duque III, sakaling makitaan ng mga sintomas ng sakit ang pasyente ay huwag nang mag-atubili na kumonsulta kaagad sa doktor upang maagapan ang sakit at hindi mauwi sa pagkamatay.
-Mary Ann Santiago