INFANTA, Quezon – Apat na magkakamag-anak ang napatay at dalawa pa ang nasugatan nang pagbabarilin ng isang hindi pa nakikilalang suspek ang mga naglalamay sa Infanta, Quezon, nitong Miyerkules ng gabi.
Sina Herman Cuento, 70; Leon Cuento, 73; Manuel Cuendo, 41, at Michael Cuento, 50, pawang taga-Sitio Irrigation, Barangay Ilog, ay dead on arrival sa sa Claro M. Recto Memorial District Hospital, ayon kay Police Col. Osmundo de Guzman, Quezon Provincial Police Office director.
Sugatan naman sina Maximo Cuento, 65, at residente ng Bgy. Ilog at Napoleon Miras, 68, kapitan ng Bgy. Poblacion 1 ng naturan bayan.
Nabilis na tumakas ang suspek na armado ng kalibre .45 at nakasuot ng bonnet, sakay ng gateway motorcycle.
Bigla na lamang umanong pumasok ang suspek sa lugar ng lamayan at unang binaril si Michael.
Nang bumagsak, nilapitan pa ito ng suspek at muling binaril ng ilang ulit, dakong 8:45 ng gabi.
Natamaan naman ng ligaw na bala ang iba pang biktima.
Ayon pa kay De Guzman, si Michael, ay nagtatrabaho bilang driver ng mayor’s office ng bayang ito.
Sa rekord, dating nang tinambangan si Michael noong2016 election period ngunit nakaligtas ito.
Sinisilip pa rin ng mga imbestigador ang posibleng anggulong may kinalaman sa negosyo ng biktima ang motibo sa krimen.
Sinabi pa ni De Guzman, isa ring manager ng Infanta-Small Town Lottery (STL) si Michael.
-Danny Estacio