GENERAL SANTOS CITY – Dismayado ang mga opisyal ng General Santos City sa kawalan umano ng aksyon ng mga awtoridad sa lungsod laban lumalalang insidente ng pamamaslang sa nakalipas na mga buwan.
Ipinaliwanag ni Councilor Franklin Gacal, chairman ng committee on peace and order, walang silbi ang grupo ni GenSan City Police chief, Supt. Raul Supiter dahil hindi masawata ang sunud-sunod na insidente ng pamamaril sa lugar, sa taong ito.
Nangangamba na aniya ang mga residente sa kanilang kaligtasan dahil aabot na sa 140 kaso nito ang naitatala, mula pa nitong Enero 2017.
Dapat na aniyang palitan ang buong grupo ni Supiter upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod.
Depensa naman ni Supiter, kulang ang closed-circuit television (CCTV) camera sa lugar na malaking tulong sana sa pagresolba sa lumalalang krimen sa kanilang nasasakupan.
-Joseph Jubelag