DAHIL sa pangambang kuwestyunin ang kanyang gender paglabas sa Bahay ni Kuya, umamin na si Lyndon Oros sa tunay niyang pagkatao. Ito ay upang tuldukan na raw ang kanyang “pagpapanggap” kahit pa natatakot siya sa magiging panghuhusga ng ibang tao.

Lyndon

Si Lyndon, 24 ay isang licensed teacher sa isang private school. Kabilang siya sa Star Dreamers ng Camp Star Hunt, kung saan nanggagaling ang pinipiling housemates para sa Pinoy Big Brother Otso.

Ayon sa kuwento, nagkakasiyahan ang Star Dreamers sa kanilang beach-themed party nang biglang natahimik si Lyndon.

Tsika at Intriga

Cristine Reyes, Marco Gumabao in-unfollow na ang isa't isa

“Iniisip ko paano kaya ako maka-segue tungkol sa pagkataong meron ako? Gusto ko lang talagang bumuwelo. Gusto ko na mag-open sa kanila kasi nahihirapan ako.

“Ang bigat sa akin na ganito ‘yung ginagawa ko, na nagsisinungaling ako sa sarili ko, sa kanila. Lahat.”

“Ako po ay bading,” matapang na pag-amin ni Lyndon.

Gayunman, ‘tila may ideya na rin naman ang ibang kasamahan ni Lyndon tungkol sa kanyang saloobin. Ilan sa kanila ang humikayat sa binata na magkuwento tungkol sa tunay niyang pagkatao.

“Ang totoo po talaga, 25 percent pa lang ng personality ko ‘yung ipinapakita ko. Sobrang punumpuno pa ako ng fear para magsabi ng lahat ng bagay. Kasi ‘di ko mailabas sa kasinungalingan, sa personality na ipinapakita ko na hindi naman ito.”

Napainom pa ng tubig si Lyndon, na halatang kabado sa ginagawang pagtatapat. Ipinaliwanag niya na nang sumalang pa lang siya sa task nila sa show ay tatanungin siya dapat kung may chance na maging bading siya. Pero itinago raw niya ang hawak na index card ng kanyang kapwa-Star Dreamer upang makaiwas sa tanong na iyon.

Aminado si Lyndon na “kabadung-kabado” siya sa magiging reaksiyon ng kanyang mga kasamahan. Pero taliwas sa kanyang inaasahan ang naging reaksiyon ng Star Dreamers; lahat ng kasamahan niya ay ikinatuwa ang pag-amin niya.

Siniguro pa ng mga kasamahan niyang lalaki na walang dahilan para matakot o mailang si Lyndon, dahil may mga kaibigan din daw ang mga ito na bading tulad niya.

Kuwento naman ni Lyndon, kahit sa kanyang pinagtatrabahuhang private school ay hindi niya maipakita na bading siya, sa takot na baka mahusgahan siya dahil dito.

“Sa work ko talaga tinanong na ako, pero tinanggi ko ‘yun. Kasi baka ‘pag sinabi ko ‘yun, baka mailang sila,” sabi ni Lyndon.

Pagkagaling sa trabaho ay diretso raw siya ng uwi sa bahay nila sa Quezon City at hindi masyadong nakikisalamuha sa mga kaibigan niya.

“Kasi nahihiya ako talaga na ipakita ito. Kasi hanggang ngayon nakakaranas ako ng panlalait sa lugar pa mismo namin.

“Pero I hope ito ‘yung pagkakataon na makapag-sorry sa kanila sa pagpapanggap ko. And I hope ‘yung mga katrabaho ko, ‘yung mga estudyante ko, matanggap din nila siyempre ‘yung ganito,” pagtatapos ni Lyndon.

-Ador V. Saluta