Tila pansamantalang raw munang mamahinga si Unkabogable Star Vice Ganda sa gitna ng “insensitive” at “offensive” joke niya sa kanilang skit na “Memerimar” sa “It’s Showtime” noong Hulyo 24.
Ito ay matapos ipatawag ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) ang producers ng nasabing noontime show kaugnay sa inasta ni Vice Ganda.
Sa nasabing skit, binakbakan ng netizens ang pagbuga ng tubig ni Vice kay Johaira Moris, na miyembro ng It’s Showtime girl group na “Baby Dolls.”
Pagkabuga ng tubig sa mukha ni Johaira, tinanong siya ni Vice, “Anong nangyari sa’yo? Bakit nagputik ka?”
Kaya naman sa latest episode ng “Showbiz Updates” noong Biyernes, Hulyo 31, napag-usapan ang pagliban ni Vice Ganda sa isang episode ng “It’s Showtime” kamakailan.
“Ang alam ko, one week ‘ata siyang magbabakasyon. Kumbaga, pahinga lang. Kung ako, manager ni Vice, ‘yon din ang sasabihin ko sa kaniya. ‘Magpahinga ka muna para mag-recharge ka ulit; para magmuni-muni,” saad ni Ogie.
Ayon sa kaniya, kahit hindi raw pisikal na binakbakan, hindi raw maitatanggi na matinding pambubugbog ang nararanasan ng Unkabogable Star mula sa mga netizen.
Ang iba pa nga raw ay talagang inuungkat pa ang mga sensitive jokes nito kahit matagal na panahon na ang lumipas gaya ng rape joke nito noon kay Kapuso award-winning broadcast-journalist Jessica Soho.
Samantala, naniniwala raw si Ogie na may kinalaman daw talaga ang summons ng MTRCB sa pansamantalang pagbabakasyon ni Vice sa noontime show.
“Feeling ko,” anang showbiz insider, “may kinalaman ‘yon. Kaya sabi ko nga, tama lang na magbakasyon si Vice kahit one week lang…para magkaroon din ng pahinga ‘yong mga netizen sa kaba-bash sa kaniya.”
Matatandaang nauna nang humingi ng dispensa si Vice sa publiko matapos siyang punahin hinggil dito.
Maki-Balita: ‘We will try to do better:’ Vice Ganda, nag-sorry sa ‘offensive,’ ‘insensitive’ jokes