Personal na humingi ng paumanhin si It’s Showtime host Vice Ganda sa viewers ng kanilang noontime show matapos birahin ng netizens ang kaniyang naging pagpapatawa noong Biyernes, Hulyo 24.
Sa pagtatapos ng kanilang segment na “Laro Laro Pick” nitong Sabado, Hulyo 25, kinilala ni Vice ang mga naging pambibira ng netizens sa kaniyang umano’y “offensive” at “insensitive” jokes sa kanilang skit sa kaparehang segment.
“Nakarating po sa aming kaalaman na may mga madlang pipol po na hindi nagustuhan o na-offend sa ilan sa aming jokes o biruan dito sa [It’s] Showtime pati na rin sa mga ginagawa namin sa ‘Memerimar,’ they found the jokes offensive or insensitive,” pagkilala ni Vice sa mainit na usapin ngayon sa social media.
Aniya, bilang noontime show, wala silang intensyon na magdulot ng anumang sama ng loob sa kanilang mga manonood bagkus, nilalayon lamang nilang pasayahin ang mga ito.
“The last thing we want is to displeased you o hindi mapasaya ang aming Madlang pipol. Kaya naman ina-acknowledge namin ang inyong sentimyento at humihingi po kami ng paumanhin sa inyo and we will try to do better. Maraming maraming salamat po,” dagdag pa ni Vice.
Sa nasabing skit, binakbakan ng netizens ang pagbuga ng tubig ni Vice kay Johaira Moris, na miyembro ng It’s Showtime girl group na “Baby Dolls.”
Pagkabuga ng tubig sa mukha ni Johaira, tinanong siya ni Vice, “Anong nangyari sa’yo? Bakit nagputik ka?”
Bagama’t parte ng pagpapatawa sa skit, hindi ito pinalagpas ng netizens, kasabay pang binatikos ay ang parte rin ng skit kung saan, pinapakain si Vice ng lugaw ng kaniyang asawa at co-host na si Ion Perez mula sa plastic, habang nakahiga siya at nakanganga.
Saad ng netizens sa social media, nakaka-”degrade” ang naging pagbuga ng tubig ni Vice sa mukha ni Johaira.
Ani pa ng ilan, maituturing itong “colorism” at “racism” at hindi na dapat ito ginagamit sa komedya.
Habang sa parteng pinakakain siya ng lugaw, tila nagmukha raw itong scene sa isang “adult film,” saad ng ilang netizens at umano’y pambabastos na raw ito.
Sa kasalukuyan, wala pang inilalabas na pahayag ang Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB) hinggil dito.