Inilatag sa publiko ni Sen. Bam Aquino ang mas maganda umanong hakbang upang mas maramdaman ng mga consumer ang pagtatanggal ng mga dagdag-singil sa bayarin ng kuryente.
Sa pahayag ni Aquino sa kaniyang Facebook post nitong Sabado, Agosto 1, 2026, mariin niyang sinabing hindi raw dapat napupunta lang sa malaking bayarin sa kuryente ang pera ng mga consumer, sa halip na ilaan na lang ito sa pagkain, gamot, edukasyon, at iba pa.
Aniya, isinusulong na raw niya noon pang Hulyo 2025 ang Senate Bill. No. 226 o “Kuryenteng Walang VAT Bill” na naglalayong matanggal ang 12% na Value Added Tax (VAT) na dagdag-singil sa bayarin sa enerhiya.
Diin ni Aquino, dahil daw kasalukuyan nang pinag-uusapan ang pag-amyenda sa EPIRA Law kaugnay sa system loss na dagdag-bayarin ng mga consumer, mahalaga raw itong pagtuunan upang mawala na rin ang aabot sa mahigit 5% karagdagang pang binabayaran ng publiko.
“Mahalaga itong hakbang dahil maaari nitong bawasan ang ating electricity bill ng humigit-kumulang 5%,” anang senador.
Pagpapatuloy ni Aquino, posible raw na umabot sa 17% ang maaaring mabawas sa bayarin ng mga consumer sa kuryente kung maipapasa ang Kuryenteng Walang VAT Bill at maaamyendahan ang EPIRA Law.
“Pero maaari pa nating higit pang pagaanin ang bigat ng singil sa kuryente. Kapag naipasa ang ating Kuryenteng Walang VAT Bill, mababawas pa ang 12% VAT sa kuryente. Kapag naisulong din ang pagtanggal ng systems loss, posibleng umabot sa humigit-kumulang 17% ang kabuuang mababawas sa ating electricity bill,” paliwanag niya.
“Panahon nang isulong ang mga hakbang na tunay na magpapababa sa singil sa kuryente at magpapagaan sa gastusin ng bawat pamilyang Pilipino,” pagtatapos pa ni Aquino.
KAUGNAY NA BALITA: 'Di na namin problema 'yon!' Sen. Erwin, binanatan aberya ng Meralco sa jumper, system loss!
KAUGNAY NA BALITA: 'We demand!' PBBM, pinatatanggal na ang system loss charge sa singil sa kuryente