Isa na namang bloke ng pinaghihinalaang cocaine ang natagpuan sa baybaying-dagat ng Baler, Aurora, kahapon ng umaga.
Sa panayam, sinabi ni Police Staff Sargeant Ymell Joseph Tangson, mnay hawak ng kaso, na ang naturang iligal na droga ay natagpuan ng construction worker na si Ariel Valenzuela, 56, ng Purok 3, Barangay Reserva, ng nabanggit na bayan, dakong 5:00 ng madaling araw.
Nauna nang nakatanggap ng impormasyon ang Baler Municipal Police Station (MPS) kaugnay ng nadiskubreng bloke ng cocaine sa nasabing lugar.
Agad namang isinuko ng kapitan na si Michael Valenzuela ang naturang droga matapos itong isailalim sa kanyang kustodiya.
Ayon kay Tangson, tinatayang aabot ng isang kilo ang cocaine na nakabalot ng itim na rubber plastic na may tatak na “Lexus” na kahalintulad din ng mga marka ng drogang natagpuan sa Paracale, Camarines Norte, nitong Pebrero 16.
Sinusuyod pa rin ng mga awtoridad ang dalampasigan sa nabanggit na lugar sa pag-asang makadiskubre pa sila ng kahalintulad na ipinagbabawal na gamot.
Ito na ang ika-13 insidente nang pagkakadiskubre ng mga bloke ng cocaine sa mga baybaying-dagat sa bansa, ayon pa sa mga awtoridad.
-Martin A. Sadongdong