HINDI na na-interview si Carlo Aquino sa presscon ng Ulan dahil umalis agad ang aktor pagkatapos n g Q&A. Pupunta pa kasi siya sa Zambales. Kaya walang nakapagtanong sa kanya sa estado ng relasyon nila ng ex-GF niyang si Angelica Panganiban.
Sa interview ni MJ Felipe kay Carlo, na lumabas sa ABS-CBN, nagsalita ang aktor sa isyu nila ni Angelica. Ang huling balita, in-unfollow na ng aktres sa social media si Carlo para wala na lang masabi ang fans nito na nagalit sa kanya.
“As long as okay naman kami ni Angge, okay na ako doon. Kung anuman ang sinasabi ng mga tao, I don’t feel the need to explain anything. Basta ‘yung mga taong nagmamahal sa akin, ‘yung kilala ako, iyon lang ang importante. Naiintindihan nila ako,” pahayag ni Carlo.
Inamin ni Carlo na nasaktan siya noong una sa mga negative comment sa kanya, dahil first time nangyari sa kanya ang sobrang ingay ng isyu sa kanila ni Angelica at sa sinasabing GF niya na isang commercial model. Kinumpirma rin ng aktor na legit ang pictures nila ng car show model na naglabasan sa social media, pero hindi na siya nagbigay ng detalye.
“Anong gagawin natin? Opinyon nila ‘yon, eh ‘di tanggapin ko na lang kung ano ‘yung mga sinasabi nila sa akin,” sabi ni Carlo.
Kaya lang, mukhang magagalit uli ang fans nina Carlo at Angelica, na matagal nang naniwala na nagkabalikan sila habang ginagawa ang hit movie nilang Exes Baggage. Sinabi kasi ni Carlo sa isang interview na bagamat totoong sweet sila ni Angelica sa isa’t isa ay hindi umabot sa punto na nagkabalikan sila ng aktres.
Anyway, si Nadine Lustre ang kapareha ni Carlo sa Ulan, ng Viva Films, na showing na sa March 13, sa direksiyon ni Irene Villamor. Magic realism ang tema ng pelikula at umaasa si Direk Irene at ang cast na susuportahan at panonoorin ang movie.
-Nitz Miralles