August 01, 2026

Home BALITA Probinsya

15-anyos na binatilyo, hinalay sa loob ng computer shop sa Davao City!

15-anyos na binatilyo, hinalay sa loob ng computer shop sa Davao City!
Photo courtesy: Unsplash

Timbog ang isang 33-anyos na lalaki matapos ireklamo ng umano'y panghahalay sa isang 15-anyos na lalaki sa loob ng isang internet café sa Agdao District, Davao City.

Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagtungo ang menor de edad sa computer shop na pinangangasiwaan ng suspek, upang maglaro ng online games. 

Habang wala umanong ibang tao sa naturang establisimyento, sinamantala umano ng suspek ang pagkakataon at hinipo ang maselang bahagi ng katawan ng biktima.

Ayon pa sa mga awtoridad, sapilitan umanong dinala ng suspek ang binatilyo sa isang silid sa loob ng internet café kung saan naganap ang umano'y panghahalay.

Matapos ang insidente, umuwi ang biktima at agad na isinumbong ang nangyari sa kaniyang lola, na siya namang nag-abiso sa ina ng bata. 

Probinsya

Magsasaka, inutas ng alagang kalabaw!

Kaagad silang humingi ng tulong sa pulisya na nagresulta sa pagkakaaresto ng suspek sa mismong computer shop.

Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang suspek at nahaharap sa kaukulang kaso kaugnay ng umano'y paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act, at iba pang maaaring isampang reklamo depende sa resulta ng imbestigasyon.

Samantala, patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad habang isinailalim sa kaukulang suporta at proseso ang menor de edad na biktima.