Asahang papalo sa P2.50-P2.90 ang dagdag-presyo sa kada kilo ng liquefied petroleum gas (LPG) bukas.
Ito ang naging pagtaya ngayong Huwebes ni South Pacific Inc. President Jun Golingay, dahil sa mas mataas na demand ng LPG sa pandaigdigang pamilihan.
Gayunman, tiniyak ni Golingay na bababa rin naman kaagad ang presyo ng LPG sa Abril at Mayo.
Simula bukas, maglalaro na ang bentahan ng regular na tangke ng LPG sa P603 hanggang P782, kasunod ng inasahang pagtataas ng P27.50-P31.90 sa kada 11-kilogram na tangke ng cooking gas.
Kasabay nito, rollback naman ang aasahan sa presyo ng petrolyo sa susunod na linggo bunsod ng pagbaba ng 38 sentimos sa kada litro ng kerosene, 17 sentimos sa diesel, at 16 sentimos sa gasolina sa international market.
Simula nitong Enero 1, 2019 hanggang Pebrero 27, 2019, may kabuuang P6.69 na ang nadagdag sa kada litro ng diesel, P5.89 sa gasolina, at P4.52 sa kerosene.
Pebrero 26 huling nagpatupad ng oil price hike: P1.45 sa gasolina at diesel, at P1.35 sa kerosene.
-Bella Gamotea