SA nakaraang Metro Manila Film Festival (MMFF) appreciation dinner sa Sampaguita Gardens sa Valencia, Quezon City nitong Pebrero 15, opisyal nang inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Metro Manila Film Festival (MMFF) Chairman Danilo Lim na open na ang application para sa MMFF 2019.
Ang letter of intent sa pagsali para sa full length films category ay tatanggapin hanggang 5:00 ng hapon sa Abril 1 (Lunes), habang ang pagsusumite ng script at iba pang required documents ay hanggang 5:00 ng hapon ng Mayo 31 (Biyernes).
Sa Hulyo 5 (Biyernes) naman ihahayag ang apat na official script entries, habang ang pagsusumite ng mga natapos nang pelikula ay tatanggapinn hanggang 5:00 ng hapon sa Setyembre 2 (Lunes), samantalang sa Setyembre 20 (Biyernes) ang regular submission.
Sa Oktubre 19 (Martes) ihahayag ang apat na opisyal finished film entries.
Para sa short films na ilalahok ng mga estudyante, tatanggapin ang letter of intent hanggang 5:00 ng hapon sa Abril 30. Ang deadline ng submission ng script ay hanggang 5:00 ng hapon sa Hulyo 15, at sa Hulyo 30 ihahayag ang napiling 16 na script.
Samantala, hindi naman nakarating ang MMFF 2018 Best Supporting Actress na si Aiko Melendez (Rainbow Sunset) para tanggapin ang cash prize niya, dahil may taping siya, kaya sa representative niya ito ibinigay.
Wala rin ang isa sa cast ng pelikula na si Tirso Cruz III, na may taping naman ng The General’s Daughter.
Ang nakita naming dumalo ay sina Eddie Garcia, Tony Mabesa, Max Collins, Ms Gloria Romero at ang direktor na si Joel Lamangan.
Wala rin ang Best Actor na si Dennis Trillo para sa pelikulang One Great Love ng Regal Films, dahil hindi rin naman niya makukuha ang cash prize, dahil wala rin naman siya sa awards night noong Disyembre.
Ang Rainbow Sunset producer na si Ms Harlene Bautista ang tumanggap ng cash prize para sa Rainbow Sunset, na nanalong Best Film.
Sinuportahan naman ng MMFF ang Rainbow’s Sunset sa Remi Award para sa 52nd Annual WorldFest. na gaganapin Houston, Texas sa Abril.
Si Viva Vice President for Marketing Leigh Legaspi ang tumanggap naman para sa pelikulang Aurora, na nanalong 2nd Best Picture.
Representative mula sa Regal Films naman ang tumanggap ng premyo para sa 3rd Best Picture prize na One Great Love.
-Reggee Bonoan