Posible umanong nag-ugat sa ₱10 sukli ang motibo sa pananaksak ng 14-anyos na estudyante sa kaniyang 13 taong gulang na kaklase sa Las Piñas National High School noong Biyernes, Hulyo 31, 2026.
Ayon sa imbestigasyon ng mga awtoridad, inutusan ng suspek ang biktima na ibili siya ng tubig sa canteen kung saan binigyan niya ito ng ₱20.
Nang makabalik ang biktima, hindi raw niya naibalik ang sukling ₱10 sa suspek dahil nalimutan umano niyang kunin sa canteen.
Bunsod nito, doon na nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawang menor de edad hanggang sa nauwi sa pananaksak ng suspek. Nagtamo ng saksak sa dibdib ang biktima at dead on arrival na nang naisugod sa ospital.
Samantala, pansamantalang nasa kustodiya ng Las Piñas City Social Welfare and Development Office ang suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon kung mapatunayang may paglabag siya sa batas.
Samantala, noong Biyernes din nang naglabas ng pahayag ang nasabing paaralan at muling nakiusap sa publiko hinggil sa nangyaring insidente.
"Habang nasa proseso ng wastong imbestigasyon, hinihiling namin sa publiko na maging maingat at mapanagutan sa paggamit ng social media at iwasan ang pagpapakalat ng mga sensitibo at di-beripikadong impormasyon, larawan, o video na maaaring makasagabal sa imbestigasyon at/o makadagdag ng pagdurusa sa mga sangkot at kanilang mga pamilya,” anang paaralan sa kanilang social media post.
Binigyang-diin din ng LPNHS ang kahalagahan ng pagtutulungan ng tahanan, paaralan, at komunidad upang mahubog ang mga mag-aaral na may disiplina, paggalang sa kapwa, at pananagutan.
KAUGNAY NA BALITA: Las Piñas NHS, kinumpirma nangyaring saksakan sa paaralan; 1 patay!