Isang 21-anyos na college student ang nasawi matapos pagsasaksakin ng kaniyang dating kasintahan sa loob ng isang boarding house sa Barangay Poblacion, Sibonga, Cebu.
Batay sa paunang imbestigasyon ng Sibonga Municipal Police Station, nagtungo umano ang suspek sa tinutuluyan ng biktima upang hikayatin siyang makipagbalikan.
Ayon sa mga awtoridad, pansamantalang iniwan sila ng kapatid ng biktima upang mabigyan ng pagkakataong makapag-usap nang pribado.
Gayunman, nauwi umano sa komprontasyon ang pag-uusap matapos tumanggi ang biktima na muling makipagrelasyon sa suspek.
Nang bumalik ang kapatid ng biktima sa silid, nadatnan nito ang dalawa na duguan at kapwa nakahandusay sa loob ng kuwarto. Agad na ipinagbigay-alam ang insidente sa mga awtoridad.
Sa imbestigasyon, napag-alamang nagtamo ang biktima ng maraming saksak sa leeg at dibdib. Idineklara siyang dead on the spot ng mga rumespondeng medical personnel.
Samantala, ang suspek ay nagtamo rin ng mga saksak sa leeg at dibdib. Hinala ng pulisya, siya rin ang may gawa ng sarili niyang mga sugat matapos ang insidente.
Agad siyang isinugod sa ospital kung saan patuloy siyang ginagamot at mahigpit na binabantayan ng mga awtoridad.
Inihahanda na ng pulisya ang pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa suspek sa sandaling pahintulutan na ng kanyang kondisyon.
Patuloy rin ang imbestigasyon upang matukoy ang buong pangyayari at iba pang detalye na may kaugnayan sa insidente.