“ARE you not tired of waiting?” Ito ang tanong ng karakter ni Isabelle Daza sa Playhouse sa karakter ni Carlo Aquino, sa episode nitong Miyerkules, na ang tinutukoy ay ang paghihintay ng binata kung kailan siya sasagutin ni Angelica Panganiban bilang Patty sa serye.
Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin malinaw kung ano ang relasyon nina Carlo, as doc Harold, at Patty pero nagkaaminan na gusto at mahal nila ang isa’t isa.
Ganito rin sina Zanjoe Marudo as Marlon at Isabelle bilang si Lea. Gusto nila ang isa’t isa pero hindi naman sila puwedeng magsama, dahil technically mag-asawa pa rin sina Marlon at Patty. At higit sa lahat, iisa ang concern nila, si Robin (Justin James Quilantang) na may malalang karamdaman.
Pero sa totoong buhay ay bagay din ang tanong na “are you not tired of waiting” kay Angelica. Dahil ‘tila hinihintay pa niya si Carlo kung kailan siya babalikan nito. Inakala nga ng lahat ay okay na sila, batay na rin sa mga post ng aktes noong nakaraang taon.
Iyon pala hindi pa dahil may ibang babae sa tunay na buhay si Carlo, bagay na naging dahilan kaya nagkasamaan ng loob ang dalawa.
Mabuti na lang at hindi naapektuhan ang mga karakter nila sa Playhouse dahil patuloy pa rin itong sinusubaybayan ng nakararami.
Sitsit ng aming source: “Sobrang okay na ulit sina Carlo at Angge (tawag kay Angelica), nag-usap na. Okay na ulit ang friendship nila, nagkaintindihan na sila.”
Anyway, base naman sa takbo ng kuwento ng Playhouse ay mukhang malapit nang mag-give up sina Doc Harold at Lea sa kanilang respective loves na sina Patty at Marlon. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin puwedeng maghiwalay ang dalawa at hindi rin sila puwedeng mawala sa paningin ni Robin, dahil sila parati ang hinahanap ng bata bilang guardian nito, at hindi si Natalia (Maxene Magalona), kasama ang boyfriend na pera lang ang habol na si Peter (Ivan Padilla).
Napapanood ang Playhouse bago mag-It’s Showtime sa Channel 2, at puwede itong mapanood anumang oras sa iWant.
-Reggee Bonoan