MASAYANG-MASAYA si Enchong Dee na first time nakapag-guest sa “Boom” segment ng Eat Bulaga ng GMA 7 last Saturday. Sila nina Kapuso stars Janine Gutierrez at Jackielou Blanco ang mga contestants kasabay ng pagpo-promote ng movie nilang Elise na pre-Valentine presentation ng Regal Films, sa direksiyon ni Joel Ferrer.
Si Vic Sotto ang host ng segment at naging financier na nagbibigay ng pera sa contestants si Alden Richards, kasama si Paolo Ballesteros. Tuwang-tuwa rin ang studio audience nang mahulaan ni Enchong ang apat na panganay na anak ni Mang Melandro Muli na may siyam na asawa at pito ang panganay niya sa labingpitong anak niya. Amazed na amazed sina Vic at Alden kay Mang Melandro. Winner din si Jackielou ng 50,000 pero si Janine ay hindi sinuwerteng mahulaan ang lahat ng mga tamang sagot sa questions. Pero nag-uwi rin sila ng one hundred thousand pesos.
Dahil dito ay nag-post si Enchong sa Instagram account niya kasama ang mga Dabarkads: “Maraming salamat sa @eatbulaga1979 sa masayang Sabado at sa lahat ng Dabarkads na nakisaya. Sana makanood po kayo ng pelikula namin ni @janinegutierrez @jackielou.blanco sa February 6, ngayong Wednesday na po #regalfilms50 #Elise #BOOM.”
Sa simula pa lamang ng story ay umikot na ito kay Bert (Enchong), sa kanyang point of view noong bata pa siya na naging sila na ni Elise (Janine), pero nang umalis ay nakipag-break sa kanya. Muling nabuo ang relasyon nila nang muli silang magkita. No wonder na may kissing scene at sweet moments sina Enchong at Janine dahil kailangan iyon sa story bilang mag-boyfriend at girlfriend sila.
Mahusay si Miss World 2017 Laura Lehmann at ang introducing na si Victor Anastacio. Kasama rin sina sa pelikula si Pilita Corrales as the lola of Enchong at nanay naman niya rito si Jackielou Blanco. May kurot din sa puso ang story at may umiyak pa during the preview.
-Nora V. Calderon