“WE’RE very, very satisfied!”
Ito ang pahayag ni Junelle Rayos, producer ng pelikulang Jesusa kasama ang kapatid na si Jean Hidalgo para sa bagong tatag na OEPM Productions. Bilib na bilib kasi ang producers sa pagkakapili nila kay Sylvia Sanchez para magbida sa nasabing pelikula.
“Ito po ang first project namin bilang movie producer, at sa unang araw pa lang ng shooting, nang dumalaw kami sa set, nakita ko na kaagad ‘yung mata ni Ms Sylvia. Sabi ko, ‘nagsasalita na (ang mga mata niya) at hindi pa siya nagsasalita (dayalogo)’, at manghang-mangha ako,” sabi ni Junelle.
Tinanong kasi ang producers kung kuntento sila na si Ibyang ang ipinalit nila kay Ms Nora Aunor, na hindi natuloy tanggapin ang Jesusa.
“Not just from the start hanggang sa natapos po ay nabigyan niya ng justice, not just Ms Sylvia, but everyone. Nabigyan nila ng diin ‘yung role sa Jesusa. Nakita n’yo naman po siguro sa trailer kung paano idiniliber ‘yung role.”
Bakit Jesusa ang napiling titulo ng pelikula?
“Walang explanation, basta pangalan lang ng karakter,” sagot ng direktor at scriptwriter ng pelikula na si Ronald Carballo.
“I can say na itong Jesusa, first time ang kuwento niya sa buong Philippine Cinema, hindi ko sasabihin na parang ganito o ganyan kasi first time.
“Maski na noong nagsusulat pa lang ako, lagi akong nag-iisip ng first time. ‘Pag may nagsabi sa akin na gawa tayo ng ganito o ganyan, hindi ko kinakagat, kasi ang dami-dami ko pang original story na hindi ko pa nagagawa at isa nga itong Jesusa.”
Nang i-pitch daw ito sa producers na sina Junelle at Jean ay nagustuhan na kaagad nila ang kuwento, at talagang excited na sila kung sino ang kalalabasan ng Jesusa.
Tulad nga ng sinulat namin dito sa BALITA, dapat si Nora Aunor ang magbibida sa pelikula bilang Jesusa, pero hindi natuloy ang Superstar.
“With due respect to the one and only Superstar sana huwag na nating gawing intriga, pero sasabihin ko kung ano talaga ang nangyari,” sabi ni Direk Ronald.
“Una, sinabi ko talaga sa kanya, at sa harap niya (Nora) na hindi ko gagawin ang pelikula kung hindi si Nora Aunor ang gagawa. So nag-usap kami, maayos ang pag-uusap namin, closed na ‘yung deal at pumayag ako sa marami niyang conditions na masa-sacrifice ang maraming element ng pelikula, especially ‘yung budget. Pero pumayag pa rin ako kasi sa pangarap at sa kagustuhan kong maidirek ang nag-iisang Superstar.
“So, ‘nu’ng pumayag na ako sa kundisyon na mahirap gawin, number one, ‘yung iba na pala ang working attitude ni Ate Guy. Dahil magkahiwalay ang kanyang day effect at night effect sa shooting.
“So ‘yung one day, definitely magiging two days kasi ‘pag day effect lang siya 8AM to 5PM lang siya. ‘Pag night effect siya, 4PM to 9PM lang. So, mahahati talaga sa two days ‘yung isang araw at pumayag ako kahit ganu’n sa punto.
“Pumayag din ako sa hiningi niyang talent fee, okay na. Nu’ng magpipirmahan na kami ng contract and with due respect to her na normal naman ‘pag magpipirmahan na ng kontrata, ibinalik ko thru email ‘yung pinag-usapan namin sa contract for her to read.
“Nang nabasa niya na siya rin naman ang nagbigay sa mga nakalagay sa kontrata, nag-iba na ang isip, nagbago na ang isip niya. Marami na siyang mga tanong, mga nakakagulat na tanong. Hanggang sa kausap ko siya sa phone at talagang naiyak ako sa phone, kasi hindi ko akalain na maiiba ‘yung usapan sa napag-usapan na.
“Anyway, after that, ‘yung handler niya, katabi niya, na sinabi naming pag-uusapan at pag-iisipan. Hanggang kinagabihan na-decide ng team namin na papalitan na lang namin siya. So malungkot man kasi natapos na ang usapan at pinalitan na namin siya.
“The following day, gabi ko itinawag na papalitan na namin siya (Nora). The following day, as early as 8AM, tumatawag ‘yung handler at pumapayag na raw si Ate Guy kung anuman ‘yung nakalagay sa kontrata.
“Sabi ko, ‘sorry, hindi na puwede’. Kasi imi-meet na namin ‘yung ipapalit namin sa kanya.
“So with that, napakalaking blessing and si Lord naman talaga ang nag-aayos ng lahat ng ito. Maaaring hindi natuloy si Ate Guy, hindi meant for her ‘yung material, dahil napunta kay Sylvia Sanchez.
“At nu’ng napunta kay Sylvia Sanchez, nabura lahat ‘yung sinabi kong hindi ko gagawin ang pelikula kung hindi si Nora Aunor (ang bida). Kasi nakita ko kung gaano ka-professional si Ms Sylvia Sanchez, kung paano niya tinackle ‘yung role na eventually naisip ko talaga na siya talaga ‘yung ibinigay para mas lalong mapaganda talaga ‘yung pelikula at maisabuhay ‘yung materyal na pangarap kong gawin at matagal kong itinago.
“Kaya nagpapasalamat ako sa producers kong sina Junelle at M’aam Jean na pinagkatiwalaan akong gawin ang pelikulang ito, lalo na si Ms Sylvia Sanchez, na sinagip niya ako actually. Dahil nu’ng hindi natuloy si Ate Guy, sobra akong nalungkot, pero sobra akong sumaya nang napunta kay Sylvia Sanchez ang pelikula. Salamat, Ibyang!”mahabang kuwento ni Direk Ronald.
-Reggee Bonoan