STA. CRUZ, Laguna – Napatay ng mga kabaro nito ang isang pulis-Laguna na umano’y tulak ng ipinagbabawal na gamot at drug protector pa sa inilatag na buy-bust operation sa Sitio Ilang-ilang, Barangay Bubukal, Sta. Cruz, ng naturang lalawigan, kahapon ng umaga.
Dead on the spot si PO3 Jennyson Serrano, alyas “Sir”, 45, ng Pagsanjan, Laguna at nakatalaga sa Laguna Provincvial Intelligence Branch, dahil sa mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Inihayag ni Police Regional Office 4-A public information officer, Supt. Chitadel Gaoiran, isinailalim ng grupo ng Laguna Provincial Intelligence branch at Drug Enforcement Unit ng Sta. Cruz police sa buy-bust operation ang suspek.
Sa halip na sumuko, lumaban umano ang suspek na nagresulta sa pagkasawi nito, dakong 8:30 ng umaga.
Sa rekord ng mga awtoridad, aktibo pa rin si Serrano sa serbisyo ngunit sangkot ito sa iligal na droga at nag-o-operate sa ikaapat na distrito ng nabanggit na lalawigan.
Narekober sa suspek ang isan sachet ng shabu, marked money na P7,000.00, at isang cal. 9mm pistol.
-DANNY J. ESTACIO