Nasawi ang isang 15 taong gulang na binatilyo matapos malunod habang hinahanap ang umano’y cellphone ng isa pang lalaki kapalit ang pabuyang ₱1,000 sa San Remigio, Cebu.
Ayon sa mga ulat, kasama ng biktima ang kaniyang tatlong mga kaibigan na noo’y sinasabing nangingisda.
Bigla na lamang daw lumapit sa kanila ang lalaking tinatayang nasa edad 23 taong gulang at inalok silang sumisid upang mahanap ang nalaglag niyang cellphone. Ayon pa sa mga kaibigan ng biktima, ₱1,0000 ang ibibigay ng lalaki kapag narekober nila ang naturang cellphone.
Subalit matapos ang ilang minutong pagsisid, bigla na lamang umanong nawala ang biktima sa paningin ng kaniyang mga kaibigan.
Agad silang nakipag-ugnayan sa mga awtoridad kung saan mabilis na nagsagawa ng search and rescue operation ang Philippine Coast Guard (PCG).
Narekober ang wala nang buhay na katawan ng biktima malapit sa isang pantalan.
Samantala, nagkasa na nang malalimang imbestigasyon ang mga awtoridad, partikular na sa lalaking umano’y nag-utos at nag-alok ng pabuya upang mahanap ang kaniyang cellphone.