HANDA ang grupo ng mga Olympian swimmers na gamitin ang legal na pamamaraan upang maisaayos ang liderato sa Philippine Swimming Inc. (PSI).
Ayon kay Eric Buhain, naging Chairman din ng Philippine Sports Commission (PSC), handa silang magsampa ng kaso laban kay Lani Velasco upang madetermina sa legal na pamamaraan ang legalidad ng kanyang pamumuno si PSI.
Kasama ni Buhain sa grupo – mga orihinal na miyembro ng Board ng Philippine Amateur Swimming Association (PASA) na ilegal na pinalitan ng PSI – sina Olympian Ral Rosario at Akiko Thompson gayundin si National coach Pinky Brosas.
Ayon sa dating PSC chief, handa na silang kasuhan si Velasco, bunsod na rin ng payo ni Philippine Olympic Committee (POC) president na si Ricky Vargas hinggil sa isyu ng liderato ng swimming na ang mga miyembro lang din ang makakaresolba ng nasabing suliranin.
“We have to file the case. ‘Yun ang gusto ng POC when they intracorporate,” pahayag ni Buhain sa panayam sa kanya ng Balita.
“I think the statement of Mr. Vargas is very revealing and instructing to go legal avenue, just like the precedent he himself and Congressman Bambol (Tolentino) did,” paliwanag ni Buhain.
Kamakailan ay nagpatawag ng isang National Congress para sa mga stakeholders ng swimming si Velasco, kasabay ang Christmas party na dinaluhan din ng mismong ang bise presidente ng AASF na si Jeffrey Leow ay dumalo bilang kinatawan din ng FINA.
Sa naturang Congress, hindi kasama ang grupo ni Buhain, tanging Pinoy na nagwagi ng pitong gintong medalya sa isang SEA Games edition.
Matatandaan na ang PSI ay kinilala ng FINA o International Swimming Federation bilang National Sports Association (NSA) ng Pilipinas sa swimming bunsod na rin ng ayuda ni dating POC president Jose ‘Peping’ Cojuangco.
Bagama’t wala pa umanong tugon ang POC sa liham na ipinadala nila Buhain noong nakaraang linggo ay optimistiko naman sila na mauunawaan ni Vargas ang kanilang panig.
-Annie Abad