Binanatan ng private prosecutor na si Atty. Lorna Kapunan si Atty. Kristine Ferrer, mula sa defense panel, na matuto umano itong rumespeto.
Kaugnay ito sa paghaharap nina Kapunan at Ferrer sa Senate impeachment trial nitong Miyerkules, Agosto 12, 2026, kung saan tila uminit ang tensyon sa pagitan ng dalawang abogado partikular sa usapin kung maaari ba ang mga misleading question sa cross examination.
Sa naging pahayag naman ni Kapunan sa panayam sa kaniya ng media nito ring Miyerkules, nagkomento siya sa pagiging argumentative at disrespectful umano ni Ferrer sa kaniya.
Paliwanag ni Kapunan, makikita raw ang pagiging argumentative ng isang tao depende sa pinagtatalunan nilang tanong, at tumutukoy naman daw ang pagiging disrespectful sa ugaling ipinapakita.
“It depends. Sometimes argumentative, sometimes disrespectful. It is a function of what is the question,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Kasi ‘yong question, kapag nag-a-argue na, argumentative. ‘Yong disrespectful naman is the manner.”
Ani Kapunan, lalaki raw lahat ang kaniyang anak kaya naman sanay na siya sa usapin ng “disrespect.”
Paglilinaw naman niya, pinalaki niya raw na “respectful” o magalang ang kaniyang mga anak at sana raw ganoon din si Ferrer.
“Lahat ng mga anak ko, lalaki. Sanay na ako sa mga disrespectful. Kaya lang, ‘yong mga anak ko, pinalaki ko to be respectful,” aniya.
“Sana siya rin,” pahabol pa niya.
Samantala, habang sinusulat ito, wala pa namang tugon, reaksyon, o pahayag si Ferrer kaugnay rito.
KAUGNAY NA BALITA: KILALANIN: Sino si Atty. Lorna Kapunan ng prosecution panel?
KAUGNAY NA BALITA: KILATISIN: Si Atty. Kristine Ferrer, abogado sa defense team ni VP Sara