August 06, 2026

Home FEATURES Human-Interest

KILALANIN: Sino si Atty. Lorna Kapunan ng prosecution panel?

KILALANIN: Sino si Atty. Lorna Kapunan ng prosecution panel?
Photo courtesy: Senate of the Philippines

Isa sa mga lumitaw na pangalan ngayon sa Senate impeachment trial si Atty. Lorna Kapunan bilang private prosecutor ng prosecution panel. 

Matatandaang isa sa mga naging patok na usapin ang pagpuntirya niya sa tila mga kakatwang pangalan na pawang mga pirmado umano sa acknowledgement receipt na ipinasa ng Office of the Vice President (OVP) sa Commission on Audit (COA) noong Agosto 3, 2026. 

Ayon sa mga acknowledgment receipt, dalawang Piattos ang nakatanggap ng malaking halaga mula sa OVP. Ito ay sina Mary Grace Piattos na may ₱70,000 na payment for medicine at at Renan Piattos na may ₱110,000 para sa purchase of information.

Ang ilan pa ay sina Nova Santos, Mico Harina, Janice Marie Revilla, Patty Ting, Andy Lim, Alejandro Pikit, Feonna Biong, Sisfrunio Balsac, Gabriel S. Bisaya, at iba pa. 

KAUGNAY NA BALITA: Patty Ting, Mico Harina, Andy Lim at iba pa, pirmado sa resibo ng OVP!

Human-Interest

Professional marites? Babae pumaldo, nakabili ng 2 bahay sa pagiging tsismosa!

Bukod pa rito, tila kuwela rin ang naging banat ni Kapunan habang tinatalakay ang mga dokumentong ihaharap bilang ebidensya sa impeachment trial noong Miyerkules, Agosto 5, matapos kuwestiyunin ng kampo ng depensa, sa pangunguna ni Atty. Kristine Ferrer, ang pagiging authentic ng ilang dokumentong inihain ng prosecution.

Bilang tugon, sinabi ni Kapunan na kung hindi nagtitiwala ang depensa sa mga dokumento ng prosecution, maaari na lamang gamitin ang mismong mga dokumento ng depensa.

“That's the possible solution, your honor. Para ’wag na tayo mag-compare-compare. Thursday, Friday, manonood pa ako ng ‘Odyssey,” tirada pa niya. 

KAUGNAY NA BALITA: 'Manonood pa 'ko ng Odyssey!' Atty. Kapunan, nagpatawa sa impeachment trial ni VP Sara

Ngunit sa pagtatabi ng mga biro at tila kuwelang pangyayari sa impeachment trial, sino nga ba si Atty. Lorna Kapunan? 

Batay sa profile ni Kapunan na makikita sa internet, kasalukuyan siyang Senior Partner sa lawfirm ng Kapunan & Castillo Law Offices kung saan isa rin siya sa mga founder nito nang maitatag noong 2011. 

Anak siya nina dating Supreme Court Justice Lino M. Patajo at dating Dean ng Manila Doctors School of Nursing Cristeta Taaca Patajo. Habang biyuda ng pumanaw niyang asawa na si dating Regional Trial Court (RTC) Judge Eduardo Roden E. Kapunan. 

Nagtapos si Kapunan ng kursong AB Political Science noong 1973 at Bachelor of Laws noon namang 1978 sa Unibersidad ng Pilipinas, at nakapasok sa Philippine Bar noong 1979. 

Nakadalo rin si Kapunan sa mga internasyonal na seminar partikular sa Japan Institute of Invention and Innovation (JIII) sa Tokyo noong 1997, sa World Intellectual Property Office (WIPO) sa Taejon Republic of Korea noong Nobyembre 1998, sa National Institute of Humanitarian Law sa San Remo Italy noong Setyembre 2005, at sa Summer Course International Humanitarian Law, Magdalene College, Cambridge University sa London noong Hulyo 2010. 

Tumayo rin si Kapunan bilang gobernador, at kasalukuyang Counselor at Legal Adviser ng Philippine Red Cross (PRC) na kumakatawan sa International Committee of the Red Cross (ICRC) IHL Conferences. 

Naging Vice Chairman at Trustee ng Cultural Center of the Philippines (CCP), dating Pangulo ng Stop Trafficking of Filipinos, Advisory Board World Wildlife Fund (WWF), volunteer sa People for the Ethical Treatment of Animals (PETA), at iba pa. 

Batay sa naging panayam ni Kapunan sa ikinasang press conference ng prosecution noong Miyerkules, Agosto 5, sinabi niyang mahigit 48 taon na raw siya sa law practice. 

Sa pagitan ng mga taong ginugol niya sa larangan ng abogasya, nakakuha na rin siya ng mga sumusunod na parangal: 

Kinilala bilang isa sa Top 100 Lawyers sa Pilipinas mula 2019 hanggang 2021

Kamakailang pinarangalan bilang “Women In Law Awards” sa Corporate Law sa Pilipinas

“Asias’ Iconic Award for Law” at ““Asias’ Iconic Award for Law” noong 2024

“2025 Philippine Choice Award for Outstanding Humanitarian Service.”

“Asia’s Legacy of Justice and Legal Excellence Award” sa 2nd Asia’s Golden Legacy Award noong 2025

Nanomina sa “Women of Substance Award” noong 2025

Nakamit ang First Tala Award of the Global Artistic Collaboration for Empowerment (GACCE–USA)

Awardee ng The Outstanding Women in the Nation’s Service (TOWNS) noong 1995

Outstanding Women of the University of the Philippines noong 1998

Tumanggap ng Global Filipina Women Leaders Network (FWN100) noong 2016

Matatandaang kamakailan lang din lumitaw ang pangalan ni Kapunan sa paghawak niya sa kaso ng kaniyang kliyenteng itinuturing na most wanted ngayon sa Pilipinas na negosyanteng si Atong Ang, kaugnay sa nawawalang mga sabungero. 

Bukod pa rito, matatandaan din na tumayo bilang lead counsel si Kapunan sa panig ng tinaguriang “Pork Barrel Scam Queen” na si Janet Napoles, ngunit tumiwalag siya kalaunan noong 2013. 

Dagdag pa rito, tumakbo rin si Kapunan bilang senador sa partido ng tumakbo noon para sa posisyon ng Pangulo na si dating Sen. Grace Poe noong 2016, ngunit bigo siyang manalo sa naturang posisyon. 

KAUGNAY NA BALITA: Atty. Kapunan sa 'prima facie evidence': 'Kung akong tatanungin, scam ito!'

KAUGNAY NA BALITA: Atty. Kapunan vs Atty. Ferrer ng defense: 'I'm old enough to be her grandmother!'