Muling napatawa ang mga dumalo sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado matapos ang pabirong banat ni private prosecutor Atty. Lorna Kapunan habang tinatalakay ang mga dokumentong ihaharap bilang ebidensya.
Naganap ang biruan sa ika-13 araw ng impeachment trial matapos kuwestiyunin ng kampo ng depensa, sa pangunguna ni Atty. Kristine Ferrer, ang pagiging authentic ng ilang dokumentong inihain ng prosecution.
Bilang tugon, sinabi ni Kapunan na kung hindi nagtitiwala ang depensa sa mga dokumento ng prosecution, maaari na lamang gamitin ang mismong mga dokumento ng depensa.
"Maybe we can even use their own documents. If they do not trust the Prosecution’s documents… then we will use their documents, your honor... Will you still question the authenticity of your own documents?" saad ni Kapunan.
"Of course not, your honor, counsel..." sagot naman ni Ferrer.
Dito na binitawan ni Kapunan ang kaniyang biro na nagpatawa sa loob ng session hall.
"That's the possible solution, your honor. Para ’wag na tayo mag-compare-compare. Thursday, Friday, manonood pa ako ng ‘Odyssey.'"
Nagdulot ng tawanan ang naturang pahayag habang nagpapatuloy ang pagdinig sa Senado.
Ang tinutukoy ni Kapunan ay ang inaabangang epic action-drama film na "The Odyssey", sa direksyon ni Christopher Nolan, na batay sa klasikong epikong isinulat ng makatang Griyego na si Homer.
Hindi ito ang unang pagkakataon na nagkaroon ng magaan na sandali sa impeachment trial, na ilang beses nang nababasagan ng biruan at palitan ng patawa sa kabila ng seryosong usapin ng paglilitis.
Samantala, nagpapatuloy ang presentasyon ng ebidensya at mga testigo ng magkabilang panig kaugnay ng impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte.