TINATAMAD NA BA ANG LAHAT?
Sa dami ng nangyayari sa mundo, isabay pa ang iba’t ibang mga prayoridad sa buhay, hindi maikakailang pagod malala ang katawang-lupa ng marami.
Mula sa dami ng ganap sa eskwelahan, tambak na workloads, at maging ang demanding na negosyo, tiyak “craving” ang lahat sa pahinga—at ang ilan ay iisiping “deserve” nila ang break, timeout, at pagpapakatamad.
Pero hindi lingid sa kaalaman ng lahat, na kung minsan, talagang tatamaan ang tao ng katamaran—sa hindi inaasahang panahon at pagkakataon.
Sa panahon ng katamaran, madalas na maririnig ang ilang litanya na may kinalaman dito:
“Mamaya na”
Ito na yata ang pinakatanyag na salitaan ng mga tinatamad o tamad na tao.
Madalas itong maririnig kapag may utos o habiling ibinibigay ang iba, gaya na lamang ng mga magulang.
Dahil sa katamaran, hindi gagawin sa nasabing oras ang gawain—kung saan ilan sa mga dahilan ay nakalimutan o nawaglit sa isipan.
“Bukas na lang”
Madalas itong maririnig kapag ang tropa ay nagkayayaan, o kaya namang may lakad na dapat gawin sa isang ispesipikong araw.
Siyempre dahil sa katamaran, magdadahilan, at ipupukol ang mga katagang “bukas na lang.”
Madalas sa mga dahilan ay sobrang init, umuulan, o kaya naman ay hindi pinayagan dahil hindi nakapagpaalam.
“Pagod pa ako”
Maririnig ito kapag inuutusan o may pinagagawang bagay ang isang tao.
Minsan nga, kahit nasa kama naman at kagigising lang, sasabihin, pagod pa.
O kahit wala naman itong ginawa maghapon, magdadahilan na siya ay pagod daw.
“Wala pa ko sa mood”
Mahalaga namang dapat masaya ang isang tao, o nasa wisyo man lang siya, upang gawin ang isang gawain.
Pero kadalasan, nagagamit din itong dahilan upang magpakatamad.
Sasabihin, “wala pa ako sa mood,” kahit tinatamad lamang talaga gawin ang isang partikular na bagay.
“Sa kaniya mo na ipagawa”
Isa rin ito sa pinakasikat na litanya ng mga tamad, ang pagpapasa ng gawain sa iba.
Dahil sa katamaran, wala nang ibang inisip kung hindi humilata at iasa sa ibang tao ang mga dapat gawin.
Kadalasan itong maririnig tuwing may uutusan sa gawaing-bahay ang mga magulang.
Hindi masama ang minsan ay magkaroon ng “break” o “timeout” man lang, ngunit pakatandaan na may mga bagay na hindi dapat katamaran, lalo kung ito ay mahalaga sa buhay at kinabukasan.