Pinagtulungang sagapin ng mga awtoridad ang isang lalaking nahulog sa Santa Pedro Santa Monica dam sa Floridablanca, Pampanga noong Lunes, Agosto 10.
Sa video na kuha ni Mayor Michael L. Galang, mapapanood na nasa gitna ng rumaragsang tubig sa dam ang naturang lalaki.
Sa tulong ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) at Municipal Public Order and Safety Coordinating Office (MPOSCO), hinagisan ng life vest ang lalaki at mahabang lubid.
Nang maisuot ng lalaki ang life vest at maitali ang lubid dito, tulong-tulong na siyang hinila pataas ng responders.
Matapos ang matagumpay na paghila pataas ng responders sa lalaki, tiningnan nila ang kondisyon nito at agad na isinakay sa ambulansya upang dalhin sa ospital at mabigyan ng kinakailangan niyang medikal na atensyon.
Paalala ni Galang sa publiko na sa kasagsagan ng pag-uulan, iwasang pumunta sa mga dam para matiyak ang kanilang kaligtasan.
Tiniyak din niyang mas pag-iibayuhin nila ang pagbabantay sa lungsod sa kasagsagan ng masamang panahon.