NANGIBABAW ang ganda at talino ng pambato ng Vietnam, at sa huli ay kinoronahang Miss Earth 2018 sa ginanap na worldwide broadcast coronation night sa MOA Arena sa Pasay City, nitong Sabado ng gabi.
Dinaig ni Phuong Khanh Nguyen, ng Ben Tre, ang nasa 86 na kandidata para sa titulo sa ika-18 taon ng environment driven-contest. Kinoronahan siya ni outgoing Miss Earth 2017 Karen Ibasco, ng Pilipinas.
Ito ang ikalawang pagkakataon ngayong linggo na kinoronahan ang isang Vietnamese beauty queen sa international pageants na ginanap sa Pilipinas.
Nitong Oktubre 25, ang Vietnamese rin na si Huynh Vy ang itinanghal na Miss Tourism Queen Worldwide, na ginanap sa Rizal.
Sa question-and-answer sa top four, tinanong ang mga kandidata: “Being a millennial, what is the most pressing issue of your generation?”
Sinagot ito ni Phuong ng: “The most pressure for our generation, my generation, is our ignorance. We have so many technology, and we just use them in social media and we just care for ourselves. We should spend our time to think and feel what’s happening with the earth right now and when small actions multiplied by million people can transform the world.”
Wagi naman bilang Miss Earth 2018 elemental queens ang mga pambato ng Austria (Miss Earth Air), Colombia (Miss Earth Water), at Mexico (Miss Earth Fire).Pasok naman sa Top 18 ang mga kandidata mula sa Pilipinas, Venezuela, Chile, Netherlands, Italy, South Africa, Portugal, Slovenia, Ghana, Montenegro, Japan, Romania, at Brazil.
Umabante rin sa semis ang pambato ng Mexico, na nagwagi rin bilang Miss Earth Social Media; at ang taga-Nepal ang nanalo ng Best Eco Video. Kinilala naman bilang New Placenta Ambassadors ang mga kinatawan ng Mexico, Brazil, at Indonesia.
MISS TOURISM QUEEN WORLDWIDE
Samantala, ilang oras bago bumalik sa Vietnam, ibinahagi naman ni Miss Tourism Queen Worldwide Huynh Vy sa isang exclusive interview na isa siyang modelo at rising movie star sa kanyang bansa. Ngunit hindi umano puno ng kasiyahan ang kanyang buhay, lalo na nang pumanaw ang kanyang ama.
“My mother took care of us and I also helped my siblings. I work in different houses to become a house helper or a nanny. Then I save up some of my money for education.....so that’s how I earn my money,” kuwento ni Vy.
Sa ginanap na Miss Tourism Queen Worldwide 2018 pageant, hinakot ni Vy ang mga parangal, kabilang ang Miss Body Beautiful, Miss Tourism Video, at Miss Talent special awards; at 1st runner-up siya sa Best in National Costume.
Bukod kay Vy, kabilang din sa mga nagwagi sa Miss Tourism Queen Worldwide ang mga pambato ng Myanmar, Miss Tourism Global Queen; Thailand, Miss Tourism Grand Queen; Pilipinas (Kamille Alyssa Quinola), 1st runner-up; Northeast India, 2nd runner-up; Australia, 3rd runner-up; at Malaysia, 4th runner-up.
-ROBERT R. REQUINTINA