July 30, 2026

Home BALITA Probinsya

Tubig sa Angat Dam, umangat bunsod ng LPA

Tubig sa Angat Dam, umangat bunsod ng LPA
Photo courtesy: MB


Tumaas sa 154.33 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam nitong 8:00 ng umaga ng Huwebes, Hulyo 30, matapos ang pagbuhos ng ulang dala ng Low Pressure Area (LPA), batay sa ulat ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).

Mas mataas ito ng humigit-kumulang 3.5 meters kung ikukumpara sa talang 150.85 noong Miyerkules ng umaga, Hulyo 29.

Gayunpaman, hindi pa rin ito sapat upang maabot ng dam ang operating level nito na umaabot sa 180 meters, pati na rin ang normal high water level ng reservoir na aabot naman sa 210 meters.

Sa katunayan, mas mababa rin ang talang ito sa critical low level ng dam na aabot sa 160 meters.

Ayon sa ulat ng PAGASA dakong 8:00 ng umaga ngayong araw, nag-dissipate na ang LPA na binabantayan nila sa loob ng Philippine Area of Responsibility (PAR).

Samantala, isa pang LPA ang binabantayan sa labas ng PAR, ngunit mababa ang tsansa nitong maging tropical depression sa loob ng 24 oras.

KAUGNAY NA BALITA: Imbes na umangat, bumaba pa! Angat Dam, nakapagtala ng historic low water level!-Balita