Natagpuang wala nang buhay ang dalawang taong gulang na batang lalaki na pitong araw nang nawawala sa Barangay Camayahan, Butuan City, noong umaga ng Miyerkules, Hulyo 29, 2026.
Ayon sa paunang ulat, dakong 10:30 ng umaga noong Hulyo 29 nang matagpuan ang bangkay ng bata sa isang masukal na bahagi ng barangay.
Mismong may-ari umano ng lupa ang nakadiskubre sa mga labi habang papunta sa lugar upang umani ng dagta ng saging, at agad na ipinagbigay-alam sa mga awtoridad.
Sa pagresponde ng pulisya, natuklasang nasa advanced stage of decomposition na ang bangkay. Kinilala ito ng ina ng biktima batay sa kasuotan nitong pulang sando, jumper na may anime design at shorts na may tuldok-tuldok na disenyo.
Ayon sa mga nakasaksi, malubha na ang pagkabulok ng mukha ng bata habang ang ilang bahagi ng ulo nito ay nakalitaw na ang mga buto dahil sa kondisyon ng mga labi.
Patuloy na iniimbestigahan ng pulisya ang insidente at hindi isinasantabi ang posibilidad na may naganap na foul play.
Isinasagawa na rin ang masusing pagsusuri sa pinangyarihan ng insidente habang hinihintay ang resulta ng forensic examination upang matukoy ang eksaktong sanhi at kalagayan ng pagkamatay ng bata.
Wala pang inilalabas na pinal na konklusyon ang mga awtoridad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Duda rin ang isang opisyal ng komunidad na mag-isang narating ng bata ang lugar kung saan ito natagpuan dahil nasa matarik at madulas na bahagi umano ng bundok ang lokasyon.
Bagama't may mga haka-hakang posibleng may nagdala sa bata sa naturang lugar, sinabi ng pulisya na wala pa silang kumpirmasyon hinggil dito at patuloy pa silang nangangalap ng ebidensiya.
Bago matagpuan ang bangkay, inihayag ng Butuan City Police Station 4 na nahirapan umano ang mga imbestigador sa kanilang pagsisiyasat dahil sa limitadong kooperasyong natanggap mula sa pamilya ng bata.
Ayon sa hepe ng himpilan, napansin ng mga pulis na hindi umano nakikipag-usap sa kanila ang ina ng bata sa tuwing bumibisita sila para sa follow-up investigation, ngunit lumalabas umano ito kapag may mga mamamahayag o iba pang bisita sa lugar.
Nilinaw naman ng pulisya na wala pa silang direktang iniuugnay sa naturang pangyayari at nananatili silang nakatuon sa pangangalap ng lahat ng mahalagang impormasyon kaugnay ng kaso.