ISANG caravan ng nasa mahigit 10,000 katao ang dahan-dahang kumikilos mula sa Timog ng Mexico patungo sa Estados Unidos. Karamihan sa kanila ay mga Honduran na tumawid ng Guatemala at ngayon ay naglalakbay, marami ay nakayapak, patungong US upang maghanap ng bagong buhay.
Mayroon nang unang grupo ng mga migrante na dumating sa hangganan ng US sa Texas, nitong Abril. Ito ang grupong napabalita nang paghiwalayin ng mga American immigration authorities ang mga bata sa kanilang mga magulang, isang bagay na binatikos ng mga ordinaryong Amerikano bilang hindi makatao. Bagamat wala pang katiyakan ang kapalaran ng unang grupo, patuloy na naglalakbay patungong US ang ikalawang grupo ng mga desperadong mamamayan mula Central America.
Ano nga ba ang dahilan ng malawakang migrasyon na nagaganap sa buong mundo ngayon? Sa mga nakalipas na taon, karamihan ng mga balita ay pumapatungkol sa mga refugee mula Gitnang Silangan at Africa na nagtatangkang makatawid sa Mediterranean Sea upang marating ang Europa. Marami sa mga ito ang tumatakas sa digmaan sa Syria, na nagpapatuloy hanggang sa ngayon anim na taon matapos itong magsimula.
Tinatakasan ng mga Syrian ang bigong estado na hindi kayang masiguro ang kanilang karapatan at kaligtasan bilang mamamayan. Tinatakasan din nila ang ekonomikal na kawalan. Kasama nilang naglalakbay ang mga tao mula South Sudan, Somalia, Central African Republic at Afghanistan, na lahat ay naghahangad na makarating ng Europa, sa pamamagitan ng pagdaan sa Turkey, papunta ng Italy at Balkans, sakay sa marurupok na bangka na karamihan ay tumaob o nasira sa Mediterranean.
Napunta na ngayon ang atensiyon ng migrasyon sa kabilang panig ng mundo, sa Estados Unidos kung saan libu-libong migrante ang naghahangad na makapasok sa pamamagitan ng pagdaan sa Mexico. Hindi nila tinatakasan ang isang digmaan, tanging ang ekonomikal na kawalan at ang mga krimeng nagaganap sa kanilang pinagmulang bansa. Libu-libo pa ang iniulat na iniiwan ang kanilang mga bayan upang sumama sa caravan na ngayon ay nasa Mexico— naghahangad ng kaligtasan sa kanilang bilang, mula sa mga magnanakaw, rapist, at kurap na mga pulis.
Dapat tayong magpasalamat na tayo dito sa Pilipinas ay hindi pa umaabot sa estado kung saan kinakailangan nang lisanin ng mga tao ang kanilang mga tahanan upang takasan ang digmaan, krimen at pagkabigo ng kapangyarihan ng pamahalaan. Mayroon tayong milyun-milyong Pilipino na umaalis ng bansa ngunit kinakailangan sila bilang mga manggagawa sa ibang mga lupain—bilang doktor at enhinnyero, bilang mga eksperto sa information technology, bilang contruction workers at caregivers.
Marami tayong problema sa Pilipinas, lalo na ang mataas na presyo, droga at mga pagpatay na iniuugnay dito, at kurapsiyon sa matataas na posisyon ng pamahalaaan. Subalit higit tayong mapalad kumpara sa mga Syrian sa Gitnang Silangan, sa mga African ng South Sudan, at sa mga Hondurans ng Central Amerika. Hindi pa natin kailangan sumama sa desperadong masa na naghahanap ng pagkalinga sa ibang mga bansa, tulad ng mga tao sa caravan na ngayon ay naglalakbay sa Mexico patungo sa US.