Kinumpirma kahapon ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang pagtakbo ng kanyang kapatid na si dating Davao City Vice Mayor Paolo Duterte, sa pagkakongresista sa eleksiyon sa Mayo 2019.
Sinagot ng alkalde ang tanong kung ano ang susunod na hakbang ng panganay ni Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na halalan.
“Sa congressman for the first district si former Vice Mayor Paolo Duterte,” ayon kay Sara.
Sinabi rin ni Sara na susubukan niya na muling tumakbo sa pagka-alkalde, kahit pa pumuwesto siya sa top 12 preferred potential senatorial candidates sa Pulse Asia survey, kamakailan.
“I am honored and overwhelmed by the trust of the people but I will run as mayor this coming elections,” pahayag ng alkalde.
Dagdag pa ni Sara, nakapili na siya ng running mate, pero tumangging pangalanan ito.
-Beth Camia