MAINIT na tinanggap ng mga netizens ang pinakabagong Afternoon Prime drama series ng Kapuso Network na Ika-5 Utos dahil maraming nakaka-relate sa istorya ng tatlong pamilya, na napapanahon at ginagampanan ng mahuhusay na artista ng network.
Pero ang pinag-uusapan ngayon ay kung sino raw ba talaga ang kontrabida sa mga magkakaibigan na sina Jean Garcia as Eloisa, Valerie Concepcion as Clarisse, at Gelli de Belen, as Kelly.
Kilala si Jean bilang mahusay na kontrabida pero sa simula ng story, siya ang mabait sa tatlong magkakaibigan. Si Valerie, as Clarrise, ang lumalabas ngayong kontrabida dahil sa inagaw niya kay Eloisa ang asawa nitong si Randy (Neil Ryan Sese) at siya pa ang matapang na awayin ang kaibigan, samantalang siya ang dahilan ng pagkamatay ni Randy. Dito na ba siya lalabanan, kahit patayan, ni Eloisa matapos malaman ng huli ang lahat?
Si Kelly naman ay inggitera sa buhay ni Clarisse, close kay Eloisa, pero paano naman kung ang nag-iisang anak niyang si Carlo (Jake Vargas) ang dahilan sa pagkamatay ng anak ni Clarisse pero ipinaako niya kay Brix (Jeric Gonzales) na anak naman ni Eloisa?
Silang tatlo, ipaglalaban nila ang kani-kanilang mga anak, kahit pa magkaaway-away sila.
“Nagpapasalamat kami sa lahat ng sumusubaybay sa amin,” sabi ni Jean. “Huwag po silang bibitiw dahil mas maraming pangyayaring magaganap sa bawat tauhan ng serye namin na tiyak na magugustuhan ninyo.”
Marami na ring naghihintay sa ipakikita namang husay sa pagganap ng mga youngstars na sina Jake, Jeric, Inah de Belen, Migo Adecer, at Klea Pineda.
Sa direksiyon ni Laurice Guillen, napapanood ang Ika-5 Utos Mondays to Saturdays, after Eat Bulaga.
-Nora V. Calderon